Pagtatalaga kay Cascolan bilang DOH Undersecretary, oks kay Vergeire

Pagtatalaga kay Cascolan bilang DOH Undersecretary, oks kay Vergeire

October 27, 2022 @ 2:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Suportado ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang pagkakatalaga kay dating PNP Chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng ahensya.

Ayon kay Vergeire, kuwalipikado si Cascolan base sa kanyang mga credential.

Sinabi rin ni Vergeire na titnignan muna kung saan makakatulong ang isang taong itinatalaga at pinapasok sa kagawaran.

Ang pahayag ng opisyal ay tugon sa katanungan kung ano ang kanyang reaksyon sa sinasabing dapat ay may background sa medisina o public health ang isang itinatalaga sa ahensya.

“I think he is very qualified naman doon sa kanyang mga credentials na nakalagay diyan. Meron nama tayong mga trabaho dito na kailangan din natin talaga ng for operations,” ani Vergeire sa isang panayam sa radyo.

Ayon pa kay Vergeire, bibigyan ng oportunidad at itatalaga si Cascolan para makatulong siya sa DOH.

Ang appointment ni Cascolan ay umani ng batikos kabilang ang Alliance of Health Workers (AHW) at ACT Teachers party-list Representative na si France Castro.

Ayon sa kanila, isang insulto at sampal ito sa mukha ng mga eksperto na mas kwalipikado para sa posisyon.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring naitatalagang kalihim ng DOH at inulit ni Vergeire na ang pahayag ng Pangulo na magtatalaga lamang ng bagong kalihim ng Kagawaran kapag ang sitwasyon ng pandemya ay balik-normal na.

Aniya, hintayin na lamang ang desisyon ng Pangulo dahil tuloy-tuloy pa rin naman umano ang kanilang trabaho kahit pa mayroon o wala pang kalihim ang kagawaran.

Sa hiwalay namang panayam ng ANC, sinabi ni Vergeire na hindi siya inalok sa nasabing posisyon.

“Honestly, it was not offered. I was asked to be an OIC. I was able to explain to them also my reservations and he just said, ‘You just continue to do the work and we will discuss further,” sabi pa ni Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden