Pagtatalaga ng gov’t-accredited child development worker sa daycare center, hirit ni Imee

Pagtatalaga ng gov’t-accredited child development worker sa daycare center, hirit ni Imee

February 28, 2023 @ 5:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senator Imee Marcos nitong Martes na magkaroon kada daycare center sa bansa ng child development worker na accredited at binabayaran ng pamahalaan.

Inilatag ni Marcos, pinuno ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang panukala sa hearing sa Senate Bills No. 343, 1086, 525, 1205 at 1730, na naglalayon na magtalaga ng child development workers na may security of tenure, wastong sahod at benepisyo, at humane working conditions.

Sa kabila ng budget constraints, sinabi ng mambabatas na bibigyan ang child development workers ng Salary Grade 6 na “better than what they are getting now.”

Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Program Management Bureau director Maricel Deloria na magkakahalaga ito ng P1.6 nilyong kada buwan o P21.3 bilyong taon-taon.

“Malaki-laki siya, pero at least it’s a start. Kahit paunti-unti lang dahil hindi naman puwedeng 0, sobrang lupit naman nito. Ang tagal-tagal na nito eh. Tignan natin,” pahayag niya.

Inatasan naman ni Marcos ang technical working group na lumikha ng three at five-year plan hinggil sa proposal, at busisiin pa ito.

“We are fully aware that the most valuable years of learning are between the ages of 0 to 7 years old. And yet, we are not providing any support, any training, any assistance to our development workers who are in charge of our children at the end of the day,” aniya.

Ayon naman kay Federation of Day Care Workers national president Pearl Reyes, mayroong daycare workers na nakatatanggap ng mas mababa pa sa P1,000 kada buwan.

“27 years na in the making na inilo-lobby ang Magna Carta for Child Development Workers. Sabi nung mga nauna sa’kin ay 10th Congress pa po ito inilapit. Ngayon ay nasa 19th Congress na… We believe na maaaring marinig na ngayon ang sigaw at grievances ng ating mga daycare workers,” paglalahad niya. RNT/SA