Pagtatanim ng hybrid seeds para sa mas maraming ani, aprub kay PBBM

Pagtatanim ng hybrid seeds para sa mas maraming ani, aprub kay PBBM

February 18, 2023 @ 9:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagsisimula nang mag-develop ang Department of Agriculture (DA) ng “strategy plan” para i-promote ang pagtatanim ng hybrid seeds sa  1.5 milyong ektarya ng lupain ngayong panahon ng dry season.

Inapubahan kasi ni  Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggamit ng  hybrid rice sa halip na  inbred rice para pataasin ang  produksyon ng pananim.

Sa kalatas na ipinalabas ng Malakanyang, tinukoy nito ang naging pahayag ni  Agriculture Assistant Secretary for Operations Arnel De Mesa,  kung saan ipinag-utos ni Pangulong Marcos na tiyakin na may sapat na suporta ang mga magsasaka.

Maglulunsad din ang DA ng  financial at credit program  para hikayatin ang mga magsasaka na mag-shift sa  hybrid rice.

“Sapat na suporta kagaya ng patubig, fertilizer at iba pang ayuda katulad ng Rice Farmers Financial Assistance,”  ang wika ni Mesa.

“Ang mga ito ay nararapat na maibigay sa tamang panahon,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, sinabi ng Malakanyang na kumpiyansa si Pangulong Marcos na maabot ang rice self-sufficiency target nito sa loob ng dalawan taon gamit ang hybrid seeds.

Tinitingnan naman ng DA na palawakin ang produksyon sa mga  Rehiyong  6, 8, 12, at  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga rehiyon naman ng Ilocos, Cagayan Valley, at Central Luzon  ay nagawa nang i-adopt ang  hybrid rice technology.

Maliban sa pagpapalawig ng  financial support sa local farmers sa pamamagitan ng loan financing program, nangako naman si Pangulong  Marcos na dalhin ang “best farming practices” na ginamit ng mga  Central Luzon farmer sa ibang bahagi ng bansa.

Base sa joint study  ng  DA at local government units (LGUs), nakapag-produce ang  hybrid system  ng  41% na mas mataas na ani kumpara sa conventional inbred seeds para sa nakalipas na dalawang taon.

Ngayong taon, naglaan ang DA ng  P30 bilyon na pondo sa ilalim ng  National Rice Program  para makapagbigay ng  hybrid at inbred o certified seeds, production-related and post-harvest machinery, small-scale irrigation, at extension and training activities.”

Ito’y bukod pa sa  P10B-Rice Enhancement Competitiveness Fund  na hinugot mula sa sobrang taripa na nakolekta  sa ilalim ng  Rice Tariffication Law (RTL), naglalayong paghusayin ang  “competitiveness” ng mga magsasaka. Kris Jose