Pagtatapon ng human waste ng China sa WPS pinaiimbestigahan

Pagtatapon ng human waste ng China sa WPS pinaiimbestigahan

July 13, 2021 @ 1:19 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ng dalawang mambabatas ang pagtatapon ng human waste ng ilang Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Ayon kay Gabriela party-list Rep Arlene Brosas, ang aksyon ng China ay malinaw na “most visually brazen mockery of our sovereignty.”

“Is this Beijing’s disgusting toast to Duterte’s ‘piece of paper’ remark on the Hague ruling, by allowing its vessels to dump human waste on West Philippine Sea?” saad ni Brosas.

Nakatakdang maghain ng House resolution si Brosas para sa gagawing House Inquiry in aid of legislation.

Gayundin ang panawagan ni Bayan Muna party-list Rep Eufemia Cullamat,aniya, sisirain ng China ang maritime resources ng bansa.

“Kapuna-puna itong pagtatapon ng dumi ng tao ng malalaking barko ng Tsina sa karagatan ng ating bansa, malaki ang idudulot nitong kapinsalaan sa ating yaman karagatan. Maraming mangingisda ay nahihirapan sa agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea, ngayon ginagawa na tayong inodoro ng Tsina,” pahayag ni Cullamat.

Nanawagan si Cullamat sa  Department of Environment and Natural Resources na hiwalay na imbestigahan ang insidente.

“Napakalaking sampal ito sa ating pambansang soberanya. Habang naninikluhod ang administrasyong Duterte sa Tsina, tinatambak ng Tsina ang kanilang mga tae at dumi sa ating karagatan,” giit pa nito.

Una nang sinabi ni Liz Derr, founder at CEO ng Simularity na ilang Chinese vessels ang nagtatapon ng human waste araw araw sa loob na ng maraming taon sa WPS.

Ang Simularity ay nagsasagawa ng geospatial analysis at nagbibigay ng data imagery kung saan sinabi n Derr na dahil sa pagtatapon ng human waste sa WPS ay ilang dekada bago maayos ang pinsalang idinudulot nito. Gail Mendoza