PAGTATATAG NG DEPARTMENT OF WATER RESOURCES, MULING IGINIIT NI PBBM

PAGTATATAG NG DEPARTMENT OF WATER RESOURCES, MULING IGINIIT NI PBBM

October 21, 2022 @ 4:13 PM 2 months ago


SA gitna ng sunod-sunod na pagtama ng mga malalakas na bagyo sa bansa, muling nanawagan si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa kasalukuyang Kongreso para sa pagpapasa ng batas na lumilikha sa DWR o Department of Water Resources.

 Matatandaan na sa kanyang kauna-unahang SONA o State of the Nation Address, isa sa mga naging priority legislative agenda ni PBBM ang water resources management.

 Pangako ni PBBM, bibigyang solusyon ng kanyang administrasyon ang lumalalang problema sa kakulangan ng suplay ng fresh water sa bansa na kailangang-kailangan sa oras ng mga kalamidad at trahedya.

 Kagyat na utos niya ang karagdagang purifying stations na kailangang kaagad na mailagay sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad dahil isa ito sa agarang pangangailangan ng mga mamamayan.

Kung may kakulangan sa malinis at maiinom na tubig, karagdagang problema ang dulot nito dahil magreresulta ito sa mga sakit na katulad ng cholera, diphtheria, at diarrhea na lubhang nakasasama sa mga apektadong residente.

Habang wala pa ang DWR, nais ni PBBM na ipatupad muna ang IWRM o ang Integrated Water Resources Management o ang binuong national strategic framework para sa water management, policy making and planning na ginawa ng NWRB o National Water Resources Board sa pangunguna ni Executive Director, Dr. Sevillo D. David Jr., na may konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders bago tumama ang coronavirus disease 2019 pandemic.

Isinusulong ng Pangulo ang pagkakaron ng DWR para sa rehabilitasyon at modernisasyon ng water supply systems sa bansa na karamihan ay nasa estado pa ng taong 1950’s.

Dahil na rin sa nagpapatuloy na mababang antas ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng mga sunod-sunod na mga bagyo, kinakailangan na ang paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng fresh water para sa Greater Manila Areas na tinatayang nasa higit kumulang 15 million ang populasyon.        

Sa nakaraang 18th Congress ay naaprubahan ng House Committee on Government Reorganization at ng House Committee on Public Works and Highways ang consolidated House Bill No. 4944 pero nabigong matalakay sa plenaryo. Habang hindi naman umusad sa Senado ang mga panukalang inihain.

Sa kasalukuyan, hiwa-hiwalay ang mandato ng 39 government agencies na may kinalaman sa usapin ng water management kabilang ang NWRB.