Pagtatayo ng BuCor HQ sa Masungi wala pang pinal na desisyon

Pagtatayo ng BuCor HQ sa Masungi wala pang pinal na desisyon

February 20, 2023 @ 5:44 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wala pang pinal na desisyon sa pagpapatayo ng bagong headquarters ng Bureau of Corrections (BuCor) sa bahagi ng lupain ng Masungi Georeserve sa Rizal.

Ito ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa pag-alma ng Masungi Georeserve Foundation dahil bahagi aniya ito ng kanilang teritoryo.

Nilinaw ni Remulla na mungkahi pa lamang ito ng BuCor at kabilang sa kanilang pinag-aaralan sa hinaharap.

Nitong nakaraang linggo ay nagtungo ang mga tauhan ng BuCor sa Masungi Georeserve upang magsagawa ng occular inspection sa itatayo umanong headquarters at magiging tirahan ng mga empleyado nito.

Iginiit ng kalihim na magdedesisyon ang pamahalaan sa mga susunod na araw at tiniyak na walang magiging problema dahil mananatili ang pagiging pro-environment ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Remulla na pangangalagaan ng gobyerno ang Masungi ngunit kailangan magamit naman ng gobyerno ang ilang bahagi nito na pag-aari ng pamahalaan. Teresa Tavares