Pagtatayo ng evacuation centers, oks sa Kamara

Pagtatayo ng evacuation centers, oks sa Kamara

March 2, 2023 @ 2:34 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas ukol sa pagtatayo ng evacuation center sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa.

Ang House Bill 7354, na pangunahing inakda nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, at Jude Acidre ay inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng voice voting o viva voce.

Nakapaloob sa nabanggit na panukala na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang gagawa ng building specification at magtatayo ng mga evacuation center sa mga lugar na tutukuyin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa tulong ng mga local government units (LGU).

Batay sa ilang probisyon ng panukala, ang mga kasalukuyang istruktura na hindi makakapasa sa minimum requirements ay papayagan na mai-upgrade.

Batay sa HB 7354 ang LGU ang magiging pangunahing responsable sa operasyon, at pangangasiwa sa mga itatayong evacuation center.

Nakasaad din sa panukala na ang evacuation centers ay maaaring gamitin sa iba’t ibang aktibidad subalit dapat maging prayoridad ang layunin ng pagtatayo nito.

Ayon pa rin sa panukala, papayagan ang LGU na ayusin ang mga paaralan upang makasunod sa itatakdang minimum requirement kung walang ibang lugar na maaaring pagtayuan ng evacuation center.

Manggagaling ang pondo para sa unang taon ng pagpapatupad ng panukala sa budget ng DPWH at ang pondo na kakailanganin sa mga susunod na taon ay isasama sa General Appropriations Act (GAA). Meliza Maluntag