Pagtatayo ng mga classroom, hirit ng teachers’ group

Pagtatayo ng mga classroom, hirit ng teachers’ group

March 18, 2023 @ 4:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang grupo ng mga guro sa pamahalaan nitong Sabado na tutukan ang pagtatayo ng mas maraming mga silid-aralan para tugunan ang kakulangan nito sa buong bansa.

Inihayag ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimer Quetua na dapat maglaan ng pamahalaan ng mas maraming pondo sa education sector, at sinabing ang Build Better More infrastructure program ay mayroong P1.2 trillion budget para sa taong ito, habang ang classroom construction ay mayroon lamang budget na P15.6 billion. 

Sa halip umano na gumawa ng mas maraming mga tulay, paliparan, at pantalan, binigyang-diin ni Quetua na dapat tugunan ang 165,000 classroom shortage, na nakaaapekto sa 20 porsyento ng mga Pilipinong mag-aaral.

 “Why not ensure that P100 billion of the infrastructure budget be allocated to classroom building to resolve the classroom shortage decisively?” aniya.

Bilang tugon sa pagtutulak ng Department of Education para sa foreign at private funding upang resolbahin ang isyu, sinabi ni Quetua na dapat manggaling ang budget sa buwis ng mamamayan.

“Big and overpriced infrastructure projects benefitted foreign construction companies and the pockets of corrupt officials more than it did the interests of the people,” aniya.

 “Sayang ang pera sa mga mapagkunwaring magagarbong tulay na may magagarang ilaw habang ang mamamayan ay nagugutom at mangmang,” pagtatapos ni Quetua. RNT/SA