Pagtatayo ng mga istraktura sa baybaying dagat, ipinagbawal sa Cebu City

Pagtatayo ng mga istraktura sa baybaying dagat, ipinagbawal sa Cebu City

August 31, 2022 @ 2:52 PM 4 weeks ago


CEBU CITY- Nagpalabas na ng kautusan ang mga lokal na pamahalaan sa Cebu City na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga kahit na anong uri ng istraktura sa baybaying dagat nitong Lunes.

Sa ipinalabas na Executive Order (EO) No. 25 ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, nagsasaad ang pagbabawal ng pagtatayo ng istraktura sa baybaying dagat gaya ng mga floating at permanent cottage sa karagatan sakop ng naturang lungsod na isa paglabag sa batas sa kapaligiran at mga kautusang administratibo sa mga easement zone sa mga anyong tubig.

Ang naturang kautusan ay base na rin sa naunang inilabas na cease and desist order ni Cordova Mayor Cesar Suan na sinang-ayunan ng gobernador.

“The further construction and/or operation of these illegal structures are harmful to the environment and public health, and patent violation of existing laws, rules, and regulations,” ayon pa sa EO.

Natuklasan rin ng Provincial Environment and Natural Resources na ang mga iligal na istrukturang nakatayo sa mga baybaying dagat ay walang maayos na pasilidad gaya ng maayos na tapunan ng basura na naging sanhi ng polusyon sa baybaying dagat sa nasabing lungsod.

Maging ang Ambient Coastal Water Sampling, Environmental Management Bureau ng DENR, lumabas rin sa kanilang pagsisiyasat na hindi maayos ang kondisyon ng tubig dulot ng mga dumi na nagmumula sa mga istraktura.

Kaugnay nito, kinausap na rin ni Garcia ang PNP, Philippine Coast Guard, Naval Forces Central, at Maritime Industry Authority sa pagtulong sa pagpapatupad ng bagong kautusan na epektibo simula Agosto 29. Mary Anne Sapico