Pagtatayo ng wellness center para sa mga senior, prayoridad ng P’que LGU

Pagtatayo ng wellness center para sa mga senior, prayoridad ng P’que LGU

August 2, 2022 @ 12:10 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na plano ng lokal na pamahalaan na magtayo ng health and wellness centers para sa mga senior citizens upang maisulong ang kahalagahan ng buhay ng mga mas nakatatandang residente ng lungsod.

Ayon kay Olivarez na isang registered nurse sa kanyang propesyon, isa sa prayoridad ng kanyang administrasyon ay ang pagtatayo ng health and wellness centers sa dalawang distrito ng lungsod na District 1 at District 2 dahil ang programang ito ay nangangahulugan ng kalusugan at positibong pamumuhay gayundin sa pagbibigay ng benepisyong mas malakas na pangangatawan at pag-iisip ng mga senior citizens ng lungsod.

“Wellness centers provide all types of physical activity under supervision for seniors in the city. This will be centers for healthy living,” ani Olivarez.

Sinabi ni Olivarez na ang Senior Citizen’s Wellness Center ay itatayo ng lokal na pamahalaan sa Fisherman’s Wharf o o mas kilala sa tawag na “Bulungan sa Paranaque” na matatagpuan sa Coastal Road na nasasakupan ng Unang Distrito ng lungsod.

Kasabay nito ay sinabi din ni Olivarez na ang wellness center naman sa District 2 ay itatayo sa bakanteng lote nap ag-aari ng lungsod kung saan ang pondo na pagkukunan para sa pagsasagawa ng gusali nito ay isasama na sa badyet ng susunod na taon.

Isa sa benepisyo na matatanggap sa pagsali sa wellness program ay ang pagpapabuti sa interaksyon at aktibidad ng kanilang pakikipagsalamuha sa iba pang kapwa senior citizens tulad ng pagsasayaw, pag-solve ng puzzles, pagtungo sa recreation park, paglalaro ng bingo, o simpleng pakikipag-usap sa grupo.

Paliwanag pa ni Olivarez na ang pagiging mag-isa, depresyon at pagkalungkot ay ang mga malimit na nararamdaman ng mga senior kung saan ang mga healthy habits na nakapaloob sa senior wellness program na makapagpapababa ng peligro at impact ng problema tulad ng diabetes, arthritis, high blood pressure, Alzheimer’s disease, depression, at anxiety.

Dagdag pa ni Olivarez na ang itatayong wellness centers sa dalawang distrito sa lungsod ay makapag-aangat ng kalidad ng buhay at makatutulong din sa tamang pag-iisip ng mga senior citizen sa lungsod.

Matatandaan na si Olivarez, na nakapagsilbi ng tatlong termino bilang representante ng Unang Distrito ng lungsod, ay ang isa sa principal authors ng Republic Act No. 9994, Expanded Senior Citizen Act of 2010 o ang “Healthy and Productive Ageing” program na nakasentro sa papapabuti ng kalusugan at kalagayan ng mga senior citizens.  James I. Catapusan