PAGTUGON NG ADMINISTRASYON SA PAGPASLANG KAY KA PERCY

PAGTUGON NG ADMINISTRASYON SA PAGPASLANG KAY KA PERCY

October 26, 2022 @ 5:17 PM 1 month ago


SA pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Mabasa a.k.a. Ka Percy Lapid, mabilis na tumutugon ang bawat ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Aktibo sa pagtutok sa kaso sina Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at maging si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.

Matatandaang nag-alok ang kalihim ng DILG ng P500,000 pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikalulutas ng pagpaslang kay Lapid. Nagmula ang pabuya sa kanyang sariling bulsa.

Makailang araw ay sumuko kay Abalos ang sinasabing gunman na si Joel Estorial na nagsabing sumuko siya dahil sa takot at para na rin sa kanyang personal na kaligtasan.

Sinabi rin niyang may mga “middleman” na nasa loob ng New Bilibid Prison ang nagplano at nag utos sa pagpaslang kay “Ka Percy” . Sa pagkakataong ito ay maagap na ring kumilos ang DOJ Secretary para mag-imbestiga.

Datapwa’t makalipas ang ilang araw ay ikinadismaya nina Abalos at Remulla ang balitang namatay ang middleman kaya mabilis na ipinag-utos na mabantayang maige ang isa pang middleman na nasa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology.

Nadismaya at nagsalita na rin sa isyu ang Pangulo at iniutos ang pagsibak kay Bureau of Corections Chief Gerald Bantag at imbestigahan ito sa nangyaring pagkamatay ng middleman sa kanilang pangangalaga. Natuwa naman kahit papaano ang pamilya Mabasa sa pagsasalita ni PBBM kaugnay sa isyu.

Samantala, pinili ni Pangulong Bongbong bilang acting chief ng BuCor si dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang. Nanumpa kay Remulla si Catapang nitong Oktubre 24.

Sa pagtutok ng administrasyong ito sa isyu nang pamamaslang sa mamamahayag na si Lapid, kinakitaan ang pamahalaan sinseridad at pag-asa na malutas ang pangyayaring ito.

Kapag nangyari ito, hindi lang mabibigyang katarungan ang pagkamatay ng kapatid sa hanapbuhay subalit muling maibabalik ang tiwala ng pamilya Mabasa sa administrasyon ni Pangulong BBM.