Pagtulak ng ICC sa drug war probe kinwestyon ni Dela Rosa

Pagtulak ng ICC sa drug war probe kinwestyon ni Dela Rosa

January 27, 2023 @ 12:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinwestyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Biyernes, Enero 27 ang pagtutulak ng International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng imbestigasyon sa anti-drug war ng nagdaang administrasyon.

Ani Dela Rosa, tila may agenda ang ICC sa pagpupumilit nitong maisagawa ang imbestigasyon.

“May motive behind ito. May ibang agenda kung bakit insisting. Merong nagtutulak sa kanila na mag-imbestiga. Baka gustong ibalik ang problema ng droga sa bansa,” sinabi ng senador sa panayam ng GMA News.

Aniya, sawa na siya sa imbestigasyon sa kabila ng pagtanggi ng pamahalaan na pumasok ang mga imbestigador sa bansa.

“Hindi nga sila pinapapasok dito para mag-conduct ng imbestigasyon. Go ahead kung anong gusto nilang gawin. Nakakasawa na,” giit ni Dela Rosa.

Nang tanungin naman kung makikipagtulungan ito sa ICC, sinabi ni Dela Rosa na hindi na kailangan ang imbestigasyon ng ICC dahil maayos naman ang criminal justice system sa bansa.

“Kapag pinasok mo ‘yan dito parang pinagsasampal mo sa mukha yung ating mga piskal at judges na parang wala sila ginagawa sa ating sitwasyon. Perfectly fine naman ang performance ng ating judicial system. Wala namang problema,” sinabi pa niya.

Nitong Huwebes, Enero 26 ay pinayagan na ng ICC ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa brutal na anti-drugs campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT/JGC