PAGTULUNGANG GAPIIN ANG PANDEMYA

PAGTULUNGANG GAPIIN ANG PANDEMYA

July 6, 2022 @ 5:40 PM 1 month ago


SINASABI ng Department of Health na parami nang parami ang coronavirus disease-19 at maaaring maaabot ang pinakamaraming biktima sa susunod na ilang linggo.

Tantiya lamang ang sinasabi ng DOH ukol sa mga susunod na linggo batay sa nagaganap na arawang mahigit sa 1,000 na nagkakasakit na ikinatama ng mahigit sa 7,300 sa nakalipas na isang linggo.

Ang magandang balita, wala namang nasawi.

Subalit may 19 na kritikal at nasa seryosong kondisyon at kasama ang mga ito ng nasa halos 500 na ginagamot sa mga ospital sa kritikal na kalagayan.

At ang pinakarurok umano ng pagdami ng mga magpopositibo ay maaaring aabot sa 5,000 hanggang 10,000 araw-araw.

Tiyak ding kalakip nito ang pagdami ng mga maoospital.

Tandaan, naunang sinasabi ng hanggang mild at moderate lamang ang nagkaka-COVID-19 subalit lumalabas na may mga kritikal din pala.

ANG US, GERMANY AT FRANCE

Makatutulong nang malaki sa atin sa laban sa COVID-19 ang nagaganap sa tatlong mayayaman na bansa – United States, Germany at France.

Sa US, daan-daang llibo ang nagkaka-COVID gaya ng 115,854 na may patay na 222 noong Hunyo 28; 120,000 nagkasakit at 327 patay kinabukasan; 205,722 nitong katapusan at patay na 937; 123,631 nagkasakit nitong Julyo 1 at patay na 387; at 147,003 nagkasakit at patay na 603 kinabukasan.

Ang Germany at France ay may mga nagkasakit ding nasa daang libo araw-araw kasabay ng US bagama’t mas kakaunti kumpara sa mga biktima sa US ngunit daan-daan din ang namamatay.

MAGANDANG NAGAGANAP

Sa France kitang-kita ang magandang nagaganap.

Dahil sa muling pagragasa ng COVID-19 dito, hindi na kinakailangang iutos sa mga mamamayan na sila’y sumunod sa mga batayang health protocol.

Karamihan sa kanila ang nagsibalikan sa pagsusuot ng face mask, social distancing at iba pang mga dapat gawin para maiwasan ang pagkalat ng pandemya at hindi sila magkasakit at mamatay.

Ang mga French ang kabilang sa nagkaroon ng mga malakihang rally kontra sa pagsusuot ng face mask noon  at idinamay na rin nila ang pagkuwestiyon sa iba pang mga health protocol.

Dahil sa mga rally, napilitan noon ang pamahalaan nila na tanggalin na lamang ang mga health protocol ngunit ngayon, ang mga mamamayan na mismo ang balik-health protocol.

SA PILIPINAS?

Dito sa ating bansa, nagtitiwala tayo sa pagkakaroon ng mga bakunado na halos 79 milyon at halos 78 milyon sa hanay ng mga senior citizen bagama’t kulan na kulang ang naka-booster shot sa bilang na mahigit 15 milyon lamang.

At dahil dito, marami na ang nagrerelaks ukol sa pagsunod sa mga health protocol.

Dahil sa kakaunting may booster shot, marami na ang may kumupas na bisa ng bakuna at rumaragasa ang Omicron BA.4 at BA.5, ngayon dumarami nga ang nagkaka-COVID-19.

Panahon na muli ang ating paghihigpit laban sa pandemya at sana makapulot tayo ng aral sa mga ginagawa ng mga Pranses na lumalaban ng kusa sa pandemya.