Pagtutuloy ng educational aid program, kailangan ng P300M pondo – DSWD

Pagtutuloy ng educational aid program, kailangan ng P300M pondo – DSWD

September 25, 2022 @ 3:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo ngayong Linggo, Setyembre 25 na kailangan ng P300-milyon pondo upang maipagpatuloy ang educational assistance program sa mga indigent students.

Ito ay tugon niya sa panawagan ng publiko na marami pang mga indigent students ang hindi nabigyan ng financial assistance.

Sa panayam ng DZBB, inamin ni Tulfo na hindi sapat ang P1.5-bilyon badyet para sa programa dahil dinagsa rin ang aplikasyon ng napakaraming mga estudyante na sa katunayan ay umabot pa ng dalawang milyon.

“Maghahanap kami ng pondo dahil ‘yun ang nailaan namin at medyo wala na po, so maghahanap kami ng savings within the Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). ‘Yang pondo na ‘yan nasa loob ng AICS, so maghahanap kapag may nakita kami, then maaaring magbigay muli ng educational assistance para sa mga hindi pa nabigyan,”ani Tulfo.

Nagbigay rin ng suhestyon ang ahensya na kung mapagbibigyan ang hiling na P200-milyon hanggang P300-milyon dagdag na pondo sa educational assistance ay gagawin na lamang ang pagpaparehistro ng mga estudyante kada rehiyon.

Matatandaan na kahapon, Setyembre 24 ay nagtapos na ang pamamahagi ng ayuda sa mga indigent students na programa ng DSWD. RNT/JGC