Pagtuturok ng 2nd booster shot, pinayagan na ni Duque

Pagtuturok ng 2nd booster shot, pinayagan na ni Duque

April 22, 2022 @ 1:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III noong Biyernes na inaprubahan na niya ang paglunsad ng pangalawang COVID-19 booster para sa mga immunocompromised na indibidwal.

“Sa ngayon ang aking inaprubahan batay sa rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council ay yung second booster dose para lamang sa mga immunocompromised na mga pasyente,” ani Duque sa Laging Handa briefing.

Sinabi ni Duque na ang mga pasyenteng ito ay kinabibilangan ng mga may cancer, recipient ng organ transplants, at HIV/AIDS patients, at iba pa.

“Lalabas lahat ng ito sa ating implementing guidelines na binubuo na ngayon sa kasalukuyan, para sa susunod na linggo ay ma-rollout na natin ito,” ayon pa sa kalihim.

Binigyang-diin ni Duque na ang mga frontline healthcare providers at senior citizens ay hindi pa saklaw ng inaasahang paglulunsad ng second booster shots sa susunod na linggo.

“Yung para sa A1 or healthcare workers at doon din para sa senior citizens, pag-aaralan at susuriin pa ng ating Health Technology Assessment Council,” giit pa niya.

Ipinagkaloob ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa second booster shots para sa mga senior citizen, immunocompromised, at frontline health frontliners, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.

Ang EUA ay isang awtorisasyon na ibinigay para sa mga hindi rehistradong gamot at bakuna sa isang public health emergency gaya ng COVID-19 pandemic. RNT