Pagtuturok ng 4th COVID-19 jab target ng PH gov’t- Galvez

Pagtuturok ng 4th COVID-19 jab target ng PH gov’t- Galvez

January 11, 2022 @ 2:20 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Maaaring palawigin ng Pilipinas ang pagbibigay ng primary doses ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine hanggang fourth dose.

Ginamit ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang sinabi ng Vaccine Expert Panel na maaaring kailanganin ng mga tao ang hanggang 5th doses ng vaccine upang makamit ang full immunity laban sa COVID-19.

“Sabi nga ng Vaccine Expert Panel, ang talagang [kailangan] natin para at least meron tayong complete [protection], kailangan five doses,” ayon kay Galvez, isa ring National Task Force Against COVID-19 chief implementer.

“Ibig sabihin, meron tayong three or four primaries and then ‘yung booster na parang tinatawag na final shot,” aniya.

Sa kasalukuyan, nagbibigay ang pamahalaan ng third doses sa mga senior citizens at immunocompromised individuals, habang ibinibigay naman ang booster shots sa mga naka-kumpleto na ng kanilang primary doses — single para sa Johnson & Johnson’s vaccine, doble naman sa ibang brands.

Sinabi ni Galvez na sa taong 2022, ang gobyerno pa rin ang tanging maga-avail ng mga bakuna mula sa manufacturers at ito aniya ay ibibigay ng libre sa publiko.

Batay sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DoH, may 52,849,101 indibiduwal ang naka-kompleto na ng kanilang doses laban sa COVID-19, habang 57,822,417 naman ang nakatanggap ng kanilang first dose “as of Monday.”

Samantala, mayroon namang 3,577,703 booster doses ang naibigay sa mga eligible.

Sinabi ni Galvez na may sapat na suplay ng bakuna para sa mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang primary doses.

“Nakita namin ‘yung 100 million na nasa ating warehouses, ito ay kasyang-kasya pa sa ating more or less 28 to 30 million na hindi pa nababakunahan, plus ‘yung 25 million na for booster,” aniya.

Gayunman, dahil tinatarget naman ng pamahalaan na mabakunahan ang mga kabataan na may edad na 5 hanggang 11 taong gulang sa buwan ng Pebrero at 0 hanggang 4 taong gulang sa Abril, kailangan ng bansa na bumili pa ng mas maraming vaccine supply.

Tiniyak naman ni Galvez na ang mga reformulated vaccines para sa mga younger age groups ay ligtas.

Idinagdag nito na naghahanda ang pamahalaan na pangasiwaan ang boosters para sa 12 hanggang 17 age group.

“Once na nakita natin na nag-boosters na rin ‘yung mga ibang bansa sa kanilang 12 to 17, ay magbo-boosters na rin po tayo,” ayon kay Galvez.

Sa kabilang dako, sinabi ni Galvez na ang paghihigpit sa galaw ng mga unvaccinated sa Kalakhang Maynila ay nagbunga ng positibong resulta, kaya’t hinikayat naman ng Inter-Agency Task Force ang local government units na sumunod sa kahalintulad na polisiya.

“Nakita po namin na naging maganda ‘yung resulta ng memorandum circular at ito ay pinalabas din sa Region IV-A at sa Region III,” ayon kay Galvez.

“This policy may encourage more people to get vaccinated, especially with the threat of Omicron, now considered the dominant variant in the country,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose