Pagtuturok ng COVID-19 booster iimbestigahan ng DOH

Pagtuturok ng COVID-19 booster iimbestigahan ng DOH

July 14, 2021 @ 11:34 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Iimbestigahan na ng Department of Health ang report na may mga indibidwal na nakatanggap na ng COVID-19 booster shots sa bansa kahit hindi pa ito inirerekomenda.

“Gusto natin malaman saan ba galing ang mga bakunang ito. Gusto natin rin po malaman kung ano po ‘yung naging proseso kung bakit tayo nagkaroon nitong booster,” lahad ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Nagbabala rin si Vergeire sa medical workers na mahaharap sila sa parusa oras na gamitin ang mga bakuna para rito mula sa government vaccination sites.

Maaalalang naunang inihayag ni San Juan City Rep. Ronaldo Zamora na apat na beses siya nabakunahan laban sa COVID-19 kung saan dalawa rito ay sinabinh “bootleg.”

Lahad ni Zamora, natanggap na niya ang kanyang dalawang vaccine dose noong Disyembre.

Maaalalang nagsimula lamang ang pagbabakuna sa Pilipinas noong Marso.

Dahil aniya siya ay “immunodeficient,” pinayuhan siya ng mga doctor na magkaroon ng 2 booster shot mula sa Pfizer-BioNTech.

“Wala pa tayong sapat na ebidensiya para makapagbigay ng appropriate recommendation for booster shots, dahil hindi pa kompleto ang mga pinag-aaralan internationally and even here locally,” lahad ni Vergeire.  RNT/FGDC