Pahayag ni Badoy sa ‘KABAG’ kinumpirma ni Digong

Pahayag ni Badoy sa ‘KABAG’ kinumpirma ni Digong

March 30, 2022 @ 8:12 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may limang party-list groups ang nagsisilbing “legal fronts” ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Kinatigan ni Pangulong Duterte ang sinabi ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson for sectoral concerns and Communications Undersecretary Lorraine Badoy laban sa limang party-lists na di umano’y nakikipagsabwatan sa CPP.

Sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na “tama” si Badoy na ang mga party-list groups gaya ng Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela, o iyong mga tinatawag na “KABAG,” ay kaalyado ng komunistang grupo para ibagsak ang gobyerno.

“Sabihin ko sa inyo, tama si Lorraine Badoy na itong mga party-list na Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers or ACT, at Gabriela, makita naman ninyo sa behavior nila,” ayon sa Pangulo sabay sabing “Ang problema they are supporting, or they are really parang, legal fronts ng Communist Party of the Philippines.”

Nito lamang Marso 26, inilahad ni Badoy na ang terminong “KABAG” ay acronym para sa party-list groups Kabataan, ACT, Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela na di umano’y napasok na rin ng CPP.

Bago pa ito, binalaan naman ni Badoy ang publiko noong Marso 21 laban sa posibleng sanib-puwersa ng komunistang grupo at political parties na pangungunahan ng hindi pinangalanang presidential aspirant.

Para sa Pangulo, hindi na nakagugulat kung makakuha man ng suporta ang CPP mula sa limang party-lists.

“Alam mo, they are, totoo iyan, nakapasok sila sa Congress . And no doubt about it. They have used the party-lists. Alam mo, bright kasi yung gumawa noon eh ,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Sinabi pa rin ni Pangulong Duterte na ang mga nasabing party-list groups na kaalyado ng CPP ay gumagamit ng public funds para suportahan ang mga rebelde.

“They were able to blossom into something. Matagal na ito. Ang problema, ginagamit nila ang pera, kinukuha nila ang pera ng gobyerno at binubuhay nila ang mga … They are supporting a bunch of rebels,” aniya pa rin.

“Apart from the communists, the party-list groups are also being controlled by the rich,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

Sinabi pa rin ng Pangulo na kumikita ang mga komunista ng bilyong piso sa pamamagitan ng extortion scheme laban sa mga construction firms at contractors.

“Alam mo , it’s a conspiracy, meron kang legal front, meron kang ano, party-list. But it is a conspiracy – the act of one, the act of all,” ayon sa Pangulo.

Samantala, ang CPP-New People’s Army ay kasama sa listahan ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas bilang terrorist organization. Kris Jose