Pahayag ni Cardinal Tagle, welcome sa Malacañang

Pahayag ni Cardinal Tagle, welcome sa Malacañang

June 28, 2018 @ 1:48 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Winelcome ng Malacañang ang naging pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na humihikayat sa mga Katoliko na respetuhin ang pananaw ng ibang religions kabilang na ang Atheist.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, na alam naman ng lahat na magkakaiba ang paniniwala ng bawat isa kaya sana naman aniya ay igalang ang pagkakaiba nito.

“Nananawagan ang Pangulo ng isang dayalogo sa Simbahan at ito na po ang ating ginagawa.Mag-usap po tayo para sa Diyos at Bayan,” ayon kay Sec. Roque.

Sa dalawang pahinang liham ni Tagle ay  sinabi nito na ang mga hindi naniniwala sa Panginoon ay dapat na magsilbi at maging matulungin alang-alang sa diwa ng pagiging tao at simpatiya sa kapwa.

Aniya, bagama’t mahalaga ang mga katanungan o isyu kaugnay sa pananampalataya, dapat pa ring matutukan ang pagtugon sa mga problema ng lipunan.

Kabilang na rito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, seguridad sa trabaho, pagsasamantala sa mga kababaihan at mga bata, karahasan, krimen, isyu kaugnay sa mga OFW, problema ng traffic, pagbaha, terorismo at katiwalian.

Dapat umanong magkaisa ang lahat at mag-ambag para sa positibong tugon sa nasabing isyu.

Hindi umano malulutas ang mga isyu kung mauuwi lamang ito sa pagtuturo ng sisi.

“Those who believe in God must work faithfully and joyfully for the Lord. Those who do not believe in God must serve out of human decency, generosity and concern for neighbors,” bahagi ng liham ni Cardinal Tagle.

Naghalaw pa si Cardinal Tagle ng talata mula sa Bibliya, partikular na mula sa Mateo 5:11-12:

“Pinagpala kayo kung kayo ay inaalimura ng mga tao at pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng masasamang salita na pawang kasinungalingan dahil sa akin. Magalak at magsaya kayong totoo sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganyan din ang ginawa nilang pag-uusig sa mga propetang nauna sa inyo,” ani Cardinal Tagle. (Kris Jose)