Pahayag ni Escorial na P550K bayad sa pagpatay kay Lapid, kinumpirma ng mga pulis

Pahayag ni Escorial na P550K bayad sa pagpatay kay Lapid, kinumpirma ng mga pulis

October 23, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tugma ang passbook ni self-confessed gunman Joel Escorial na isunuko niya sa Philippine National Police sa pahayag niyang binayaran sila ng P550,000 para patayin ang broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, ayon sa mga pulis.

Batay sa kopya ng passbook ni Escorial, makikita ang limang deposito mula Sep. 15 hanggang Oct. 4, na may kabuuang P550,000,base sa mga pulis. Sinabi ni Escorial sa kanyang extrajudicial confession na may isang “Jun Villamor” na nag-contact sa kanya noong Sept. 5 ukol sa assassination mission kapalit ng halagang P550,000.

Kinumpirma ni Southern Police District Director B/Gen. Kirby Kraft ang transaksyon na isiniwalat ni Escorial.

“Sinurrender na ng ating gunman si Joel ang kaniyang passbook kung saan meron nag-deposit ng P550,000 sa bank account bilang pagpatay kay Percy,” paglalahad ni Kraft.

Base sa extrajudicial confession ni Escorial, sinabi niya na tumawag si Villamor, isang preso sa New Bilibid Prison, noong Sept. 15 upang ipagbigay-alam sa kanya na idineposito na sa kanyang account ang down payment na P100,000.

Makikita sa passbook ni Escorial ang dalawang deposito noong araw na iyo, na tig-P50,000.

Ipinadala naman ang karagdagang P100,000 sa kanyang account noong Sept. 16, noong umano’y tiniktikan ni Escorial at kanyang mga aksabwat si Lapid.

Matapos ito, wala nang deposito hanggang noong Oktubre 4, isang araw matapos barilin si Mabasa sa Las Pinas City. Ipinadala ang P50,000 at P300,000 sa account ni Escorial, base sa mga pulis.

Iniulat din ng mga polisya ang paggalaw ng pera sa account kung saan sa loob ng magkakaibang araw ay kumuha ng pera mula rito.

Ayon kay Kraft, aalamin pa nila kung sino ang depositor/s dahil protektado umano siya ng Bank Secrecy Law.

“Tayo po ay gumawa ng kaukulang action na pagsulat sa banko, makakuha ng certificate of transaction… Sa part ni Joel, walang problem… Ang challenges lang, yung nag-deposit, kung sino. May bank secrecy law, covered pa ‘to” aniya.

Iginiit pa ng opisyal na kinukuha nila ang CCTV footage mula sa mga banko o ATM machines tupang matukoy kung si Escorial nga ang nagwi-withdraw ng pera.

Matatandaang sinabi ng mga awtoridad na malaki ang posibilidad na may kinalman sa trabaho ang pagpatay kay Lapid. RNT/SA