Paintings ng PDLs ibinida sa exhibit

Paintings ng PDLs ibinida sa exhibit

September 22, 2022 @ 6:08 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Bumida isa isang exhibit ang paintings na gawa ng mga person deprived of liberty (PDL) ng Marikina City Jail-Male Dormitory.

Naka-display sa 22nd National Association of Dental Traders Inc. (NADTI) Trade Exhibit sa SMX Convention Center Manila sa Pasay City ang 40 na mga paintings na mismong gawa ng PDLs.

Nakipagtulungan ang Marikina City Jail-Male Dormitory sa non-profit organization na Obra Maestra Art and Culture Inc. para sa pagpapakita ng mga painting sa exhibit na tatakbo mula Martes hanggang Huwebes.

Nagtatampok din ito ng mga likhang sining ng 27 iba pang mga newbie artist.

Ang kikitain ng tatlong araw na art exhibit ay mapupunta sa mga PDL artists ng Marikina City Jail-Male Dormitory, na tutulong sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay sa labas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marikina City Jail Warden Chief Insp. Joseph Bustinera na nagsimula ang inisyatiba ng “painting behind bars” bilang isang art therapy program para sa mga bilanggo.

“Hindi naman talaga likas na artista ang mga PDL artist natin. Dito lang sa loob ng kulungan natuklasan nila ang kanilang talento. Ang galing nila,” papuri niya.

Sinabi ni Bustinera na nagsagawa ng dalawang buwang portraiture at painting workshop abg Obra Maestra para sa mahigit 20 PDLs ng Marikina City Jail upang lalo pang mahasa ang kanilang mga talento at kasanayan sa pagpinta.

Sa ngayon, nagsimula nang tumanggap ang mga PDL artists ng Marikina City Jail ng mga commissioned artworks para sa mga tauhan at bisita ng jail facility.

“Naging source of livelihood na ng ilan sa aming mga PDL ang pagpipinta. Katunayan, tumatanggap na rin sila ng mga order, gaya ng portrait para sa mga empleyado at mga dalaw,” sabi pa ni Bustinera.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta si BJMP chief Jail Director Allan Iral sa programa. RNT