PAIT AT LUHA

PAIT AT LUHA

August 22, 2022 @ 7:22 PM 1 month ago


LITERAL namang napapaluha ka ng sibuyas sa pagluluto mo, pero hindi biro ang ang sobrang taas ng presyo nito ngayon.

Sumipa na sa P400 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas mula sa P150 bawat kilo noong isang buwan lang. Sabi ng mga tindera, madalang ang pagdating nito mula sa kanilang suppliers at kulang din umano ang pumapasok na imported na sibuyas.

Mahalagang sangkap pa naman ang sibuyas sa menu ng mga restaurant at pagluluto ng ulam sa bawat tahanan. Ayon sa mga magsasaka, kulang talaga ang suplay ng puting sibuyas natin dahil konti lang ang mga nagtatanim at hindi rin daw maaaring ma-stock ito nang matagal dahil mabilis itong masira. Hindi katulad ng pulang sibuyas na matagal ang buhay.

Kaya naman sapat ang supply ng pulang sibuyas natin, bagamat tumaas din ang presyo sa P120 mula sa dating P80 lang.

Isa pang kulang sa suplay at tumaas din ang presyo ay ang asukal. Importante pa naman ito dahil napakatamis ng mga dila nating Pilipino, mula sa panimpla ng kape sa umaga, hanggang sa mga minatamis na panghimagas sa hapunan.

Nakakagulat dahil biglang sumipa din pataas nga presyo ng asukal sa merkado. Mahina rin daw ang ani sa tubo dahil ayon sa mga magsasaka kapos sila sa fertizer.

Kinumpirma ng Department of Agriculture na may kakulangan sa suplay ng puting sibuyas sa mga pamilihan ganoon din sa asukal.

Pinag-aaralan na ng ahensya ang pag-angkat para punuan ang demand at dapat nasa tamang presyo ito.

Pero bakit ang daming nadiskubreng mga asukal na nakaimbak sa mga bodega noong kumilos na ang mga otoridad? Kapos daw sa suplay pero ang dami palang nakatago o naka-stock.

Mukhang kailangan doblehin ng mga awtoridad ang pagmamatayag sa smugglers, hoarders at pagmamanipula ng ilang abusadong traders sa ating mga pagkain, tulad ng sibuyas, asukal at iba pang produkto.

Kung hindi, maluluha at magiging mapait ang mga susunod na buwan para sa maraming Pilipino.