Pakakaroon ng unified vaccination cards sa buong bansa, kinakasa na

Pakakaroon ng unified vaccination cards sa buong bansa, kinakasa na

July 9, 2021 @ 3:30 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Interior Secretary Eduardo Año, Biyernes, na lalabanan ng gobyerno ang pamimirita o pamemeke sa mga vaccination cards na ginagamit bilang travel pass.

Sa ngayon kasi, ayon sa Interior chief, na kinakailangan magpresenta ang mga indibdiwal sa pupuntahang probinsya ng negatibong resulta ng RT-PCR test o vaccination card na proyeba na sila ay bakunado na.

Ani Año  na ginagawa na ng Department of Information and Communications Technology ang proseso ng encoding information ng mga kumpletong bakuna.

“Ginagawa na ng DICT ‘yung pag-encode ng lahat ng nabakunahan, ‘yung vaccination information system na kung saan doon bibigyan ka ng sarili mong QR code, unique ‘yun, ‘yun ‘yung dala-dala mo, pagka ini-scan ‘yun sa LGU na pinuntahan mo, makikita bakunado ka na at hindi ‘yun mape-peke,” ani Año sa interbyu sa Super Radyo dzBB.

“Pangalawa, kung wala kang high tech na telepono o walang signal doon, ipi-print mo lang ‘yun,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni DILG Assistant Secretary Odilon Pasaraba na pinag-aaralan na ngayon ng national ang posibilidad na pagkakaroon ng iisang vaccination cards.

“Pinag-a-aralan din ito ng miyembo ng IATF para sa gayon harmonized at synchronized ang paggamit, pagrekognisa ng ating vaccination cards,” aniya sa Laging Handa press briefing.