Pakinabang ng bansa sa POGO, kakarampot lang – Gatchalian

Pakinabang ng bansa sa POGO, kakarampot lang – Gatchalian

January 23, 2023 @ 3:23 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na kakarampot lamang ang pakinabang ng bansa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) kaya’t nararapat nang ipatupad ang total ban sa dayuhang sugalan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na maraming dahilan na maaaring gamitin ng pamahalaan upang makagdesisyon ito sa total ban ng POGO dahil bukod na kakarampot lang ang impact nito sa paglikha ng trabaho, maliit lamang ang nakokolektang buwis.

Ayon kay Gatchalian, pagtitibayin ng Senate committee on ways and means ang kanilang rekomendasyon na tuluyan ang sipain ang POGO palabas ng bansa kapag natapos ang committee report at pagdinig.

“Bibigyan namin ang Pangulo ng maraming good reasons. Una, hindi kalakihan ang domestic employment na nalikha ng POGO dahil halos 90 percent ay mga foreign worker, mostly Chinese. Ikalawa, ang POGO sa ngayon walang epekto sa ating ekonomiya. Maraming dahilan at nakalatag na sa ating, “ ayon kay Gatchalian.

Ibinasura din ni Gatchalian ang ulat na mahigit 20,000 local employees ang mawawalan ng trabaho kapag pinalayas ang POGO dahil karamihan sa kanila ay pawang information technology expeerts at customer service experts na maaaring makapasok sa business process outsourcing (BPO) industry.

Aniya, sa halip na papasukin ang POGO, dapat himukin ang mga long term foreign direct investments tulad ng BPO na makapasok sa bansa.

“Ang BPO walang crime pero matagal na siya. Almost 20 years na dito sa ating bansa. We want to attract the right investment,” aniya.

Inihayag pa ni Gatchalian na tatalakayin sa pagdinig ang papel ng third party auditor ng Philippine Amusement and Gaming Corporation’s (PAGCOR) at pagbubuwis sa dayuhang manggagawa pero hindi na makakaapekto sa committee report.

Susuriin natin kung nakakakolekta nang maayos ang third party auditor, ayon kay Gatchalian.

“Walang mababago sa committee report. Finishing touches na lang. With or without hearing, may recommendation na kami. Ninety percent tapos na. Gusto lang namin marinig ang paliwanag ng PAGCOR, ayon kay Gatchalian. Ernie Reyes