PAL: NASAAN NA ANG PUSO NG FILIPINO?

PAL: NASAAN NA ANG PUSO NG FILIPINO?

July 13, 2021 @ 7:26 PM 1 year ago


NAUUNAWAAN natin kung bakit humantong ang Philippine Airlines sa pagdeklara ng bankruptcy.

Noong ipatupad ang lockdown sa buong Luzon noong Marso 2020, tatlong buwan mula nang kumalat ang Covid-19 dala ng mga turista galing sa Wuhan, China, ang travel industry ang isa sa matinding tinamaan na negosyo.

Grounded ang karamihan sa eroplano at kanselado ang mga domestic at internationl flight dahil sa travel restrictions. Libo-libong domestic traveler ang stranded at may namatay pa sa hirap sa kalsada na parang aso. Palugi ang operasyon ng mga airline at kasama na riyan ang ating flag-carrier na PAL na nag-file ng bankruptcy.

Mahigit tatlong dekada na akong sumasakay ng PAL. I’ve enjoyed the warm hospitality and the professionalism of its ground and flight crewmembers. Ngunit may malaking pagbabago na kaakibat ng PAL bankruptcy declaration.

Makaraan ang isang taon, kinailangan kong magtungo sa Estados Unidos at tulad ng dati’y pinili kong sumakay ng PAL noong May 22. Para ako’y maging komportable sa biyahe, palagi akong nagpapa-book sa business class ng PAL especially on longer international trips.

Kalungkot-lungkot at hindi na pala katulad ng dati ang PAL customer service na ngayo’y walang kakwenta-kwenta. Dahil ba ‘yan sa bankruptcy?

Unang-una, ako’y umasang magiging komportable sa upuan sa 13-oras na biyahe tungo sa Los Angeles, CA. Sa halip, sira ang aking assigned upuan, hindi napahihiga para makapag-unat-unat ka. Nakiusap akong lumipat sa ibang business class seat ngunit ‘di raw pwede at sira rin ang ibang upuan.

Para sa in-flight meal, namigay sila ng salad na walang salad dressing kaya nagtiyaga kaming mga pasahero sa asin para sa “flavoring” nito.

Makaraan ang isang buwan nang paglalaan ng panahon sa pamilya at isingit ang aking pagbabakuna sa Amerika, pinili kong sumakay uli ng PAL pabalik ng Maynila noong 4th of July. Buong akala ko’y isang isolated incident lamang ang naranasan ko noong patungong US at umasang magiging maayos ang aking biyahe pauwi ng Pinas. After all, PAL boasts of customer service with “the Heart of the Filipino.”

I was wrong. Ang scheduled departure noon ay 2:45 p.m. LA time ngunit nagsimula lamang ang boarding nang 2:30 p.m. kaya naatraso ang flight nang walang paliwanag mula sa PAL crewmembers. Nang kami ay pumasok ng Boeing 777, diumano’y siyang pinakabagong aircraft ng PAL, ang 100 business class passengers ay kinailangang magtiyagang pumila sa paggamit ng dadalawang toilets para sa 13-hour flight tungong Manila. Ang isa pang toilet ay reserved daw para sa exclusive use ng PAL flight stewards.

Nang subukan kong ipahiga ang ang aking business class seat, bumagsak ang footrest nito at ayaw mag-recline gaya ng inupuan ko papuntang LA. At para sa passengers meal na kasama sa aming binayaran, naghain na naman sila ng salad with no salad dressing.

Finally, nang makalapag ng NAIA, akala ko ay nagtapos na aking naranasang pagpapahirap ng PAL ngunit ako’y nagkamali na naman. Nasaksihan ko ang isang aroganteng PAL supervisor na nagbubunganga at pinagagalitan ang  staff sa NAIA quarantine protocol area dahil sa pagbibigay ng VIP treatment sa ilang foreigner.

Ang totoo, ang mga dayuhan na ‘yun ay kapwa ko pasahero sa business class at naunang bumaba kaya natural nauna rin sila sa pila. Nagtiyaga rin sila sa dispalinghadong upuan, pinakain ng salad na walang dressing, at nagsalit-salit sa dadalawang cabin toilet.

Nasaan na ang Heart of the Filipino, ang bantog na genuine Filipino hospitality ng PAL?

Sana’y mapag-ukulan ito ng pansin ni PAL President and COO Gilbert Santa Maria at paalalahanan ang kanyang personnel. Kahit na nag-file na ang PAL ng bankruptcy petition, ang  flag carrier ay dapat magbigay ng maayos at world-class na serbisyo.