Palanan Health Center sa Makati kinilala ng DOH bilang primary health care facility

Palanan Health Center sa Makati kinilala ng DOH bilang primary health care facility

August 20, 2022 @ 12:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinilala ng Department of Health (DOH) ang Palanan Health Center matapos itong pagkalooban ng license to operate bilang primary care facility na kauna-unahang 24/7 health center sa Metro Manila na napagkalooban ng lisensya ng DOH.

Pinuri naman ni Makati Mayor Abby Binay ang Palanan Health Center matapos itong mapagkalooban ng license to operate ng DOH na nagpapatunay na ang naturang health center ay ligtas at sumusunod sa mga alituntunin ng pamamahala ng pasilidad na nakapailalim sa Universal Health Care Act.

Sinabi ni Binay na kabilang sa mga criteria para makakuha ng DOH license ang patient rights and organizational ethics, patient care, leadership and management, human resource management, information management, safe practice and environment, performance, facilities, public access to information, at equipment and instruments.

Kaugnay nito ay sinabi din ni Binay na sa kasalukuyan ay kanilang ina-upgrade ang dalawa pang health centers sa Pitogo at Tejeros para makakuha na rin ng lisensya sa DOH.

Ayon pa kay Binay, ang Palanan Health Center ang unang-unang itinatag na 24/7 health center sa Makati na makapagbibigay ng serbisyo sa ibang residente kung saan kalimitan ng ibang health center sa lungsod ay nagsasara ng hanggang alas-5 lamang ng hapon.

Dagdag pa ni Binay na kinikilala rin bilang Palanan 24/7, ang naturang health center ay mayroon ding clinical laboratory at botika at nagbibigay din ito ng dental services, maternal and child care, immunization, nutrition counseling, communicable and non-communicable disease prevention and control, reproductive health and family planning, tuberculosis prevention and control, minor surgical procedures, at elderly care.

Sa kasalukuyan, ang Makati ay mayroong 27 health centers na matatagpuan sa iba’t ibang barangay maliban sa anim na villages na nasasakupan ng lungsod. James I. Catapusan