Palasyo duda sa sumbong ng mga mangingisda na pagbabawal ng Tsina sa Scarborough

Palasyo duda sa sumbong ng mga mangingisda na pagbabawal ng Tsina sa Scarborough

July 12, 2021 @ 6:50 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ni Presidential spokesperson Harry Roque ang naging pahayag ng Filipinong mangingisda na ilang beses na silang pinagbabawalan ng Chinese Coast Guard na makapangisda sa Scarborough Shoal na itinuturing na isang “traditional fishing area.”

Tinukoy ni Presidential spokesperson Harry Roque ang tila ginawang pagsusumbong ni Bigkis ng Mangingisda at Zambales fisherman Ernie Egana kay Vice President Leni Robredo sa naging panayam ng bise presidente kay Egana, araw ng Linggo.

Base sa sinabi ni Egana kay VP Leni ay sumakay ang ilang miyembro ng Chinese Coast Guard sa kanilang fishing boats at kinuha ang kanilang nahuling magagandang isda. Nag-iwan naman ang mga ito ng instant noodles at alak kapalit ng kinuhang mga isda.

Ang pahayag na ito ni Egana ay lumabas bilang pagsalubong sa ika-limang taong anibersayo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbritation sa The Hague laban sa China na binasura naman ng huli.

Sinabi ni Robredo na ang ika-limang taong panalo ng Pilipinas ay pagpapaalala na hindi pa tapos ang pakikipaglaban ng bansa sa nasabing usapin.

Pinagbawalan din ng ruling na ipinalabas ng The Hague ang pananalakay ng mga tsinoy laban sa mga filipinong mangingisda sa Scarborough Shoal, kung saan itinuring ng korte bilang traditional fishing ground para sa lahat.

“I dispute that. Ako lang naman ang tumayong abogado ng mga mangingisda galing sa Masinloc, galing sa iba’t ibang bahagi po ng Pangasinan. At alam ko po, I have personal knowledge na halos lahat po sila ay nakabalik na sa kanilang hanapbuhay lalung-lalo na diyan po sa Borough ‘no. So I dispute that,” ang diing pahayag ni Sec. Roque.

Gayunman, hindi naman sinabi ni Sec. Roque na sinungaling ang mangingisda.

“I’m saying whoever said it must not be reporting the truth and everything but the truth. Because I continuously communicate with my former clients, I communicate with the local government units particularly of Masinloc and the coastal town of Pangasinan,” ayon kay Sec. Roque.

“I just recently met with the Mayor two weeks ago precisely to inquire on the welfare of the fishermen pursuing their livelihood in Borough and there are no reports that they are not able to pursue their livelihoods,” dagdag na pahayag nito.

Gayunman, sinabi ni Sec. Roque na titingnan ng pamahalaan ang pahayag na ito ni Egana.

“I will again ask the local officials in the relevant communities to verify if the fishermen are excluded from pursuing their livelihoods in Borough because I regularly do so and all the reports that I have received indicate that they are continuing their livelihoods in Borough,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Samantala, bukod sa patuloy na pagpapalawak ng kontrol sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, ikinadismaya rin ni Robredo ang patuloy na pambu-bully ng mga barko ng Tsina sa mga mangingisdang Pinoy.

“Mas malaki yung problema, ang pinag-uusapan ‘yung sovereignty, ‘yung encroachment sa territory pero ‘yung mukha talaga nito ‘yung maliliit na mangingisda na sumusubok lang mabuhay tapos sila pa ‘yung maha-harass, tatakutin, paalisin, ito yung sobrang nakakaawa,” dagdag niya. Kris Jose