Palasyo kay Del Rosario: ‘Wala ka sa posisyong diktahan ang Pangulo’

Palasyo kay Del Rosario: ‘Wala ka sa posisyong diktahan ang Pangulo’

September 24, 2020 @ 3:56 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinopla na Malakanyang si dating Foreign Secretary Albert del Rosario sa tila panghihimasok at pag-atas nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na segundahan ng aksyon ang paggiit sa arbitral win sa United Nations General Assembly nitong Miyerkoles.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque na dapat alamin muna ni Del Rosario ang kanyang posisyon at mag-isip-isip muna kung ano ang kanyang kwalipikasyon bago diktahan ang Pangulo sa kanyang gagawin.

“And all I can say is mag-isip-isip muna tayo kung ano ang qualification natin para diktahan natin ang isang sitting President na hinalal po ng taumbayan,” diing pahayag ni Sec. Roque.

Sa debut speech kasi ng Chief Executive sa UNGA ay binigyang diin niya ang 2016 ruling ng Court of Arbitration na pumapabor sa Pilipinas sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

“Ang sa akin lang po, si Secretary Del Rosario, he is a Filipino, he is entitled to speak pero parang hindi po maganda na dinidiktihan niya ang Presidente. Hindi ko po alam kung ano ang special qualification niya para diktahan niya ang isang Presidente,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Ang alam aniya niya ay sa loob ng anim na taon na naging Kalihim ng Foreign Affairs si del Rosario ay doon nawala ang Panatag Island sa Pilipinas at doon din aniya nawala  ang physical possession ng Pilipinas sa nasabing isla.

“So, I don’t think he has much to show by way of his actual accomplishment as DFA Secretary,” giit ni Sec. Roque.

Sa ulat, sinabi ni Del Rosario na welcome sa kanya ang paggiit ng pangulo ng arbitral victory ng bansa.

Sa paraang ito aniya ay mas naging tapat sa Konstitusyon ang pangulo dahil mandato nyang protektahan ang soberanya ng bansa at ang mga teritoryo.

Kaya naman ang susunod na hakbang aniya ng administrasyon ay totohanin ang invocation at magpursigi para makuha ang suporta ng marami pang mga bansa para maisulong ang arbitral award sa UN General Assembly sa susunod na taon.

Welcome rin kay Del Rosario ang pagkilala ng Punong Ehekutibo sa ibang mga bansang sumuporta sa claims ng Pilipinas sa disputed waters.

Napag-alaman na kamakailan lamang ay ibinasura ng United Kingdom, France, at Germany ang pagkamkam ng China sa halos buong South China Sea sa pamamagitan ng note verbale na isinumite sa UN. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...