Palasyo nagpasalamat sa China sa bakuna

Palasyo nagpasalamat sa China sa bakuna

July 30, 2020 @ 3:51 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinasalamatan ng Malakanyang ang China para sa commitment nito na iprayoridad ang request ng Pilipinas para sa agarang access sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na dine-develop nito.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na masaya sila na ang maayos na relasyon sa pagitan ng Beijing at Manila ay nagbunga ng positibong resulta.

“Nagpapasalamat po kami sa gobyerno ng Tsina dahil sa isinapubliko po nila ‘yung kanilang posisyon na biglang malapit na kaibigan ng Tsina, ang Pilipinas po ay makikinabang doon sa vaccine na made-develop nila,” ayon kay Sec. Roque.

Nitong Martes, nagbigay garantiya si Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin na ipaprayoridad ng China ang Pilipinas sa oras na maging matagumpay ang Beijing sa pag-develop ng COVID-19 vaccine.

Ang pahayag ni Wang ay matapos na ihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikalimang State-of-the-Nation Address na personal na niyang nakausap si Chinese President Xi Jinping na payagan ang Pilipinas na maging isa sa mga bansang makatatanggap ng vaccine mula sa China para sa COVID-19, sa oras na pumasa na ang lahat ng ito sa clinical trials.

Noong Mayo, nagpahayag si Pangulong Duterte na naniniwala siya na ang China ang unang makagagawa ng bakuna laban sa COVID-19.

Handa naman ang pamahalaan na gamitin ang lahat ng pondo nito para makabili ng gamot o bakuna laban sa COVID-19.

Ang gobyerno ng Pilipinas ay kasalukuyang nakikipag-usap sa ilang COVID-19 vaccine developers mula Estados Unidos, China at United Kingdom para sa posibilidad na pagbili sa oras na ang vaccine ay maging available na.

Kumpiyansa naman si Sec. Roque na maliban sa China, ang vaccine developers mula sa ibang bansa ay papayagan ang Pilipinas na makabili ng kanilang COVID-19 vaccines, sa oras na maging matagumpay ang pag-develop ng mga ito.

“Tayo naman po ay nakikipagkaibigan sa lahat at asahan po natin na ang mga kaibigan natin sa Europa at iba pang parte ng daigdig ay ishi-share rin sa atin ang kanilang mga vaccine kung meron na sila,” ayon kay Sec. Roque. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...