Palasyo pinagpapaliwanag sa pangangailangan ng multi-bilyong secret, Intel funds

Palasyo pinagpapaliwanag sa pangangailangan ng multi-bilyong secret, Intel funds

November 14, 2022 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Mas makabubuti sa Office of the President na ipaliwanag nang maayos direkta sa mamamayan ang bilyong halaga ng confidential at intelligence funds (CIF) na hinihingi sa panukalang P2023 national budget, ayon kay Senador Raffy Tulfo.

“They have to explain that to the people. Mas maganda kung manggagaling sa kanila to explain directly to the people, to the media, kung bakit the big amount that they’re requesting is justifiable para maging confidential funds for a certain year,” ayon kay Tulfo sa interview.

Noong nakaraang linggo, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang multi-bilyong confidential at intelligence funds na nakakalat hindi lamang sa OP at Office of the Vice President, kundi maging sa halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan.

Partikular na kinuwestiyon ni Pimentel abng P4.5 biyong CIFs sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte kahit may umiira na ahensiyang nangangalap ng intelligence at confidential information.

Ayon kay Tulfo, mananatili siyang “neutral” sa isyu ng CIFs dahil kailangan nitong paimbestigahan ang ahensiyang nangangailangan ng naturang pondo.

Inihayag ni Pimentel na umaabot sa halagang P9.3 bilyon ang secret at intelligence funds na nakakalat sa ilang ahensiya ng pamaghalaan kabilang ang P500 milyon sa Office of the Vice President, P150 million sa Department of Education, at P19.2 million sa Office of the Solicitor General.

Mayroong CIF ang naturang ahensiya sa kasalukuyang national budget.

“These funds could be used to prevent shootings in schools or track down drug lords and pushers who are selling illegal drugs near the schools,” ayon kay Tulfo kahit hindi siya pabor sa CIFs. Ernie Reyes