Palasyo: PRRD-BBM meeting bago inagurasyon ‘di pa naitatakda

Palasyo: PRRD-BBM meeting bago inagurasyon ‘di pa naitatakda

May 24, 2022 @ 4:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wala pang naitatakdang araw at petsa sa meeting sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at presumptive president Ferdinand Marcos Jr.

“Wala pang sinasabi sa amin. We will wait for further announcement,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) at acting presidential spokesperson Secretary Martin Andanar.

“I don’t have information on that and we could know more after the Cabinet meeting next week,” dagdag na pahayag nito.

Gayundin, sinabi ni Andanar na tikom ang bibig ni Pangulong Duterte sa kung sino ang napipisil ni Marcos Jr., sa magiging miyembro ng gabinete nito.

Sa ngayon, pinangalanan ni Marcos Jr. sina dating spokesperson at Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Secretary, dating Aquino administration National Economic Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan na bumalik sa dati nitong posisyon, Cavite lawmaker Jesus Crispin Remulla bilang Justice Secretary, dating Labor Undersecretary Susan Ople bilang Kalihim ng Department of Migrant Workers at Bienvenido Laguesma bilang Labor chief.

“Walang binanggit ang pangulo on the choices of the presumptive president,” ani Andanar.

Matatandaang, noong Nobyembre 2021, tinawag ni Pangulong Duterte si Marcos Jr. bilang “weak leader and a spoiled child” na walang accomplishment sa kanyang pangalan.

Subalit, tatlong araw bago ang halalan, bigla na lamang nagbigay ng “kind words” si Pangulong Duterte kay Marcos Jr. at namuhay ng simpleng buhay si Marcos Jr., kahit may pagdududa hinggil sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.

Magtatapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30. Kris Jose