Palasyo sa LGUs: Sumunod sa IATF Undas guidelines

Palasyo sa LGUs: Sumunod sa IATF Undas guidelines

September 26, 2020 @ 3:31 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinaalalahanan ng Malakanyang ang  local government units na isara ang lahat ng sementeryo at columbarium mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 gaya nang ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ito’y upang maiwasan na kumalat ang COVID-19.

Ang pahayag na ito ni Presidential spokesman Harry Roque ay tugon sa sinabi ni Ilocos Norte Gov. Matthew Joseph Manotoc na mananatiling bukas ang pampubliko at pribadong sementeryo sa kanyang lalawigan bilang paggunita sa All Souls’ at All Saints’ Days.

Ani Sec. Roque, wala siyang ideya kung ano ang pinaplanong gawin ng Ilocos Norte subalit pinaalalahanan niya ang mga ito na ang kanilang aksyon ay may kaakibat na consequences.

“Alam na ng mga lokal na opisyales ang posibleng repercussion kapag hindi po sumunod dito sa direktiba ng IATF ,” ayon kay Sec. Roque.

“Ang DILG (Department of the Interior and Local Government) naman po ay nakaupo rin sa IATF at ang suhestyon na isarado ang mga sementaryo ay iminungkahi nga mismo ni DILG Secretary Eduardo Año,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Sinabi naman ni Manotoc na inaasahan na niya ang pagdagsa ng Ilocanos sa mga sementeryo para alalahanin at gunitain ang pumanaw nilang mahal sa buhay.

Ito ay tradisyon na nag-ugat pa sa kultura ng mga Filipino.

Lahad ni Ilocos Norte governor Manotoc, magpo-post naman sila ng visitation hours para ma-regulate ang  overcrowding sa memorial parks at public cemeteries.

Matatandaang sinabi ng Malakanyang na isasara ang lahat ng sementeryo at columbarium sa buong bansa sa panahon ng Undas – mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 ngayong may banta pa rin ng COVID-19.

Ito ay para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa iba’t ibang lugar tuwing Undas, kung saan laging inaasahan ang tinatawag na “exodus” ng mga taong luluwas ng probinsya para mabisita ang mga yumaong mahal sa buhay sa mga sementeryo.

“Lahat ng mga pribado at pampublikong mga sementeryo at memorial parks ay isasara sa mga bisita mula Oct. 29 hanggang Nov. 4, 2020,” ani Sec. Roque.

Hinikayat ng gobyerno na dumalaw na lang ang mga tao bago at pagkatapos ng mga araw ng pagsasara ng mga sementeryo.

Una nang nagpasya ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na isara ang mga sementeryo nila sa Undas para maiwasan ang dagsa ng mga tao. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...