Palasyo sa private schools: Kung nais mag-F2F classes makipag-usap sa DepEd

Palasyo sa private schools: Kung nais mag-F2F classes makipag-usap sa DepEd

February 4, 2022 @ 2:50 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Tinawagan ng pansin ng Malakanyang ang mga pribadong paaralan na gustong magsagawa ng face-to-face na magtungo na sa Department of Education at makipag-ugnayan dito.

Ang hakbang ani Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles ay kasunod ng kamakailang presentasyon ni DepEd Secretary Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maaari nang palawigin ang face-to-face classes lalo’t marami na ring lugar ang nasa ilalim ng Alert level 2.

Maaari rin aniyang magpadala ng kanilang representasyon ang mga pribadong paaralan para mabigyan din sila ng kapahintulutan ng DepEd.

Sa kabilang dako, umaasa naman si Nograles na mas darami pang mga paaralan ang maghahayag ng pagnanais na makapagklase na ng face-to-face.

Nilinaw naman ni Nograles na daraan pa sa assessment hindi lang ng Department of Education kundi pati ng Department of Health ang private schools na magpapahayag ng intensyon na makapagdaos na ng harapang pagkaklase. Kris Jose