Palasyo wala pang kumpirmasyon kung dadalo si PRRD sa inagurasyon ni Sara

Palasyo wala pang kumpirmasyon kung dadalo si PRRD sa inagurasyon ni Sara

May 27, 2022 @ 6:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin makumpirma ng Malakanyang kung dadalo ba o hindi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa inagurasyon o panunumpa ng kanyang anak na si Sara Duterte-Carpio na nanalo bilang ika-15 bise presidente ng bansa sa darating na Hunyo 19, 2022.

“We have to wait for the announcement coming from my colleagues, (Presidential Communications Operations Office) Usec. Mia Reyes and Asec. Jun Loyola, if the President will be able to attend the inauguration of the incoming Vice President,” ayon kay acting deputy presidential spokesperson Kris Ablan.

Nakatakdang idaos ni Sara ang kanyang inagurasyon sa Davao City, kung saan siya ay outgoing mayor. Gagawin ito ilang araw bago naman maupo sa pwesto si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kanyang running mate sa May 9 elections.

Samantala, wala naman ang pamilya ni Sara nang pormal siyang ideklara ng Kongreso bilang opisyal na nanalo sa 2022 vice presidential race, araw ng Miyerkules.

Habang nangyayari ang proclamation ceremony kasabay naman nito ang pagtanggap ni Pangulong Duterte ng credentials ng apat na bagong ambassadors sa presidential palace.

Matapos ang proklamasyon, tinanong si Sara kung bakit wala ang kanyang pamilya, hindi naman ito sinagot ng presidential daughter. Kris Jose