Taguig City – Isa nang ganap na Information Technology Park ang Palayan City Business Hub matapos itong pagtibayin ng isang proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 25.
Sa bisa ng Proclamation 526 idineklara ni Pangulong Duterte ang tatlong ektaryang complex sa Brgy. Singalat bilang ITP, matapos itong irekomenda ng Board of Directors ng Philippine Export Zone Authority, at ngayo’y tatawaging Palayan City Government Center and Central Business Hub o sa mas maikling Palayan City Business Hub.
Noong nakaraang Biyernes ay pinirmahan na nina PEZA Director General Charito Plaza at AlloyMTD Philippines Chairman Engr. Isaac David ang mga dokumento na pormal nang nagdedeklara sa PCBH bilang special economic zone.
Sinaksihan ang naturang okasyon nila Senator Richard Gordon at Palayan City Mayor Rianne Cuevas.
Ang AlloyMTD ay isang Malaysian conglomerate na siyang nagtayo sa P1.5B PCBH complex, partikular ang dalawang gusali na gagamitin bilang business process outsourcing center sa ilalim ng public-private partnership scheme. Ayon sa kasunduan, 30 taon itong hahawakan at patatakbuhin ng AlloyMTD.
Labis na pinasalamatan ni Mayor Cuevas ang AlloyMTD sa ginawa nitong pamumuhunan sa bayan ng Palayan City. Anang Mayora, malaking bagay ang tiwalang ibinigay ng AlloyMTD hindi lamang sa lokal na pamahalaan ngunit pati na rin sa mga residente ng Palayan City.
Pinasalamatan din ni Mayor Cuevas ang Pangulong Duterte sa pagproklama nito bilang isang Information Technology Park ang Palayan City Government and Central Business Hub.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Mayor Cuevas ang pagpasok ng Sutherland Global Services, isang global BPO company, sa PCBH. Ayon sa Sutherland, uumpisahan nito ang operasyon ngayong Setyembre, na umano’y inaasahang makapagbibigay ng trabaho sa 1,750 empleyado.
Bukod sa BPO at government offices, magsisilbi rin ang PCBH na sentro ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbigay ng mga kursong information technology, computer proficiency at business process management courses.

Palayan City Mayor Rianne Cuevas, AlloyMTD Philippines President Patrick Nicholas David, PEZA Director General Charito Plaza, Sen. Richard Gordon, and AlloyMTD Philippines Chairman Engr. Isaac David (left to right) have formalize the development of the 3-hectare Palayan City Government Center and Central Business Hub, also known as Palayan City Business Hub (PCBH), as an IT Park in Nueva Ecija on July 6 at the PEZA office in Bonifacio Global City, Taguig City.