Paliparan sa North Luzon ‘di napinsala sa lindol – CAAP

Paliparan sa North Luzon ‘di napinsala sa lindol – CAAP

October 26, 2022 @ 5:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Miyerkules, Oktubre 26 na hindi nagtamo ng pinsala ang alinman sa mga paliparan sa Hilagang Luzon sa kabila ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa Abra, Martes ng gabi.

Sa advisory, sinabi ng CAAP na ang Vigan at Baguio airports na bahagi ng Area 1 ay walang pinsalang naitala sa runway, gusali at kahit sa kagamitan pa.

“All personnel have been accounted for,” ayon pa sa CAAP.

Ang mga paliparan na sakop ng ahensya sa Area 1 ay ang Laoag, Vigan, Lingayen, Baguio, Rosales, at San Fernando Airports.

Sa kabilang banda, nagpapatuloy naman ang initial assessments sa Laoag Airport kabilang ang runway, mga gusali at istruktura nito kung kaya’t nakataas pa rin ang Notice to Airmen (NOTAM) kaugnay ng closure of operations hanggang Oktubre 27, 7:10 a.m.

Wala ring naitalang pinsala ang Area 2 o ang Tuguegarao, Cauayan, Palanan, Bagabag, Basco, at Itbayat airports.

Normal operation din ang Area 3 ayon sa CAAP o ang mga paliparan sa Plaridel, Alabat, Jomalig, Baler, Iba, Mamburao, Pinamalayan, Calapan, Wasig, San Jose, Lubang, Marinduque, Romblon, Sangley, at Cabanatuan.

“CAAP Operations Center and Airport Safety Officers are continuously monitoring the status of the airports in view of possible aftershocks,” ayon sa kalatas. RNT/JGC