Paliwanag ng Tsina sa paggamit ng laser, ‘di benta sa Pinas

Paliwanag ng Tsina sa paggamit ng laser, ‘di benta sa Pinas

February 16, 2023 @ 5:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang palusot ng  China na ang paggamit ng coast guard ng laser pointer laban sa Philippine government crew na nagsagawa ng resupply mission sa Ayungin shoal ay para lamang sa  navigation safety purposes.

“As far as the DFA is concerned, we have no reason to doubt the Philippine Coast Guard’s account of the incident,” ayon kay Foreign Affairs spokesperson Tess Daza.

Kamakalawa, araw ng Martes, naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos iulat ng PCG na tinutukan ng Chinese coast guard ng “military-grade” laser light noong Feb. 6 ang isa nilang barko.

Nakaranas diumano ng pansamantalang pagkabulag ang ilan sa mga crew ng BRP Malapascua.

Kaya nga hayagang kinondena ng Pilipinas ang ginagawang “shadowing, harassment, dangerous maneuvers and illegal radio challenges” ng mga sasakyang pandagat ng China.

Itinatwa ng China ang alegasyon at sinabing panukat lang sa distansiya sa ibang sasakyang pandagat ang paggamit ng laser ng kanilang barko.

“During that process, the China Coast Guard ship used hand-held laser speed detector and hand-held greenlight pointer to measure the distance and speed of the Philippine vessel and signal directions to ensure navigation safety,” sabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin sa regular press conference nitong Miyerkules.

“We need to highlight the fact that the China Coast Guard ship did not direct lasers at the Philippine crew, and the hand-held equipment does not inflict damage on anything or anyone on the vessel,” ang wika nito.

Iginiit din ng China na teritoryo nila ang Ayungin shoal, o Ren’ai Reef, na parte umano ng kanilang Nansha Islands, na tinatawag naman ng Pilipinas na Spratly Islands.

Nagpahayag naman ng pagsuporta sa Pilipinas ang United States, Japan, Canada, Australia, Denmark, Germany at United Kingdom laban sa mga mapanghamong galaw ng China sa pinag-aagawang teritoryo. Kris Jose