PALPAK NA OPERASYON NG MOBILE CRANE, DULOT AY MALAKING PROBLEMA

PALPAK NA OPERASYON NG MOBILE CRANE, DULOT AY MALAKING PROBLEMA

October 6, 2022 @ 2:51 PM 2 months ago


MALAKING kaginhawahan para sa ‘material handling’ ang paggamit ng ‘mobile crane’. Napadadali nito ang trabaho sa pagbubuhat ng mabibigat na materyal. Subalit hindi basta-basta ang ‘operation’ nito dahil napakalaki ng damage kapag hindi ito minaniobra ng maayos.

Maliban sa ‘injury’ na maaaaring matamo, mag-iiwan din ito ng hindi inaasahang gastos dahil sa damage to property.

Katulad na lamang ng napabalitang aksidente sa isang construction site sa Sampaloc, Manila kamakailan lang.

Mantakin mong bigla na lamang gumalaw ang isang mobile crawler crane dahilan para mabangga ito ng paparating na train unit ng Philippine National Railways. Tatlo ang sugatan at nag-iwan pa ng malalang pinsala sa tren at crane ang nangyaring aksidente.

Pahayag ng chairman ng barangay na nakakasakop sa pinangyarihan ng aksidente, pinakialaman daw ng assistant ng nakatalagang crane operator ang pagpapandar ng nasabing heavy equipment habang nagkakape at nag-aalmusal ang huli.

Hay, isa na namang kaso ito na dapat tutukan at masusing imbestigahan ng mga otoridad. Pihadong may nangyaring kapabayaan at pagsuway sa batas ng occupational safety and health dito.

Hindi nga lamang tayo sigurado kung ang may-ari, project manager, operator o assistant ang dapat pagbuntunan ng sisi. Kailangan nating irespeto ang isasagawang imbestigasyon ng mga eksperto.

Ano ba ang nararapat kung may ganitong proyekto? Kailangang sundin ang patakaran na nakapaloob sa department order 13-98 ng labor department sa pagpapaandar ng heavy equipment. Ayon sa batas, kailangang lisensiyado at competent ang nagpapa-andar nito.

Dagdag pa rito, hindi angkop na malapit ang crane sa mga railway kasi nga maaaring magkaroon ng movement anomang oras ang equipment at malaki ang posibilidad na mahagip ito ng tren. Nakapaloob ang mga bagay na ito sa 1926.1417(z) ng United States Occupational Safety and Health Standards.

Kailangang siguruhin ng employer na may nakatalagang safety officer sa lugar at mayroong dokumentong nagpapatunay na aprubado ng DOLE ang isinagawa niyang OSH at Construction Safety and Health Program.