Palpak na rollout ng National ID System pinaiimbestigahan

Palpak na rollout ng National ID System pinaiimbestigahan

October 12, 2022 @ 4:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinakikilos ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang Kamara para imbestigahan ang palpak at mabagal na implementasyon ng National ID system.

Sa House Resolution 471, sinabi ni Herrera na dapat magpaliwanag ang Bangko Sentral ng Pilipinas, NEDA at Philippine Statistics Authority (PSA) na siyang naatasan na pangasiwaan ang ID system sa palpak na rollout gayong 2018 pa naisabatas ang National ID.

Iginiit din ni Herrera na kung kinakailangan na palitan ang mga nakaupo sa PSA ay dapat gawin dahil sa bigong pangangasiwa sa Philippine Identification System o PhilSys.

“An accountability mechanism must be established to allow a closer look into what went wrong, or what may still be improved, in the implementation of the national ID system,”paliwanag ni Herrera.

Sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 pa ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng PhilSys para sa pagtukoy ng pinakamahihirap na pamilya na mabibigyan ng ayuda kung saan inatasan nito ang BSP na gawin at ihatid ang 116-million pre personalized ID’s mula 2021 hanggang 2023.

Batay sa datos ay nasa 21 million Filipino pa lamang ang nakatanggap ng kanilang physical national ID cards mula sa 70 million na nakapagparehsistro, malayo ito sa target na 92 million cards na dapat maihatid hanggang Hunyo 2023.

“Apart from the delay in meeting the quota for the number of ID cards to be accomplished, there have been complaints about inaccuracy of personal information and blurry images on the cards, and that the IDs are no longer readable after about three months, Reports of hacking, which led to concerns that the personal data or sensitive personal information of the citizenry have been compromised,” paliwanag ng mambabatas.

Ani Herrera, kung fully-implemented na sana ang National ID ay malaking tulong ito sa pag-countercheck ng pagkakakilanlan ng mga magpaparehistro sa ilalim ng SIM Card Registration Law. Gail Mendoza