Paltik hindi pumutok, target na negosyante binato ng baril sa mukha ng gunman

Paltik hindi pumutok, target na negosyante binato ng baril sa mukha ng gunman

March 1, 2023 @ 12:25 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Masuwerting sugat lang ang tinamo ng 70-anyos na negosyante makaraang batuhin ng baril sa mukha ng hindi kilalang gunman nang hindi pumutok ang gamit nitong paltik sa Malabon City.

Sa nakarating na report kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-4:10 ng hapon, nakaupo ang biktimang si Jaime Go ng Brgy. Panghulo sa loob ng bahay sa Brgy. Tinajeros nang sumulpot ang suspek na nakasuot ng long sleeve, itim na short pants at itim na cap.

Kaagad naglabas ng baril ang suspek at walang sabi-sabing binaril ang biktima subalit, sa kabutihang palad ay hindi pumutok ang armas.

Sa gigil ng salarin ay ibinato na lamang niya sa mukha ng biktima ang kalibre .38 baril at mabilis na tumakas gamit ang isang bisikleta, nang humingi na ng tulong ang 35-anyos na babaeng kasambahay ng matanda na nakasaksi sa pangyayari.

Isinugod ng kasambahay ang kanyang amo sa Tondo Medical Center matapos na nagtamo ng malalim na sugat sa mukha matapos batuhin ng baril ng suspek.

Inaalam pa nina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Mardelio Osting ang motibo ng suspek sa tangkang pagpatay sa negosyante habang iniutos na ni Col. Daro ang pagtugis sa salarin. Boysan Buenaventura