Pamahalaan naglaan ng P500B sa climate change mitigation

Pamahalaan naglaan ng P500B sa climate change mitigation

January 23, 2023 @ 2:57 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglaan ang pamahalaan ng P500 bilyon para sa mga proyektong gagawin nito na may kinalaman sa climate change mitigation.

Sinabi ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, na bahagi ito ng 2023 national budget at gagamitin sa mga proyektong ilalatag ng gobyerno para  mabawasan ang masamang epekto ng pagbabago ng panahon.

Batay sa mga ikakasang proyekto ng gobyerno na may kinalaman sa climate change ay ang mga hakbang para mapigilan ang deforestration, gagawing pag-aalaga sa mga watershed at protected areas, pagsasagawa ng pagsisiyasat o research para sa climate change adaptation gayundin ng mga pagsasanay hinggil sa community-based climate change adaptation at disaster risk reduction.

Magugunitang sa naging budget message noon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi nito na dapat na magkaroon ng climate change expenditures na tutuon sa food security, water sufficiency, ecosystem and environmental stability gayundin sa human security at  climate smart industries and services.

Ang nasabing P500 bilyon na budget para sa climate change ay bahagi ng P5.268 trillion national budget para sa fiscal year 2023 na mas mataas ng 4.9% sa 2022 budget. Kris Jose