PAMALAKAYA nakiisa sa panawagan ng taas-sahod sa mga manggagawa

PAMALAKAYA nakiisa sa panawagan ng taas-sahod sa mga manggagawa

November 28, 2022 @ 7:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakiisa na rin ang mga maliliit na mangingisda sa panawagan para sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa upang labanan ang inflation.

“Kahit hindi sahuran ang karamihan sa mga mangingisda, makikinabang kami sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa dahil tataas din ang kanilang kakayahang bilhin ang produkto naming isda,” ito ang sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas(PAMALAKAYA-Pilipinas).

Sa press statement ng Pamalakaya kasabay umano ng pagtaas ng purchasing power ng mga manggagawa ay ang pagtaas ng demand sa pamilihan pati na rin ang farm gate price ng mga produktong agrikultural tulad ng isda.

“Sinabi pa ng naturang grupo na sa pagbaba naman ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng langis, tiyak ang pagtaas ng produktibidad ng mga mangingisda,” ayon kay Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA National Spokesperson.

Kaugnay nito, sinisi naman ng Pamalakaya ang kasalukuyan inflation sa kasalukuyan administrasyon dahil umano sa kakulangan ng hakbang upang tugunan ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin kabilang na ang agricultural at fisheries products.

Ayon pa sa grupo ng mga mangingisda ang umano’y P 15,000 production subsidy ay tatagal lamang sa loob ng dalawang buwan para sa fuel expenses ng mga mangingisda.

Bukod sa production aid, nanawagan din ang Pamalakaya sa Department of Agriculture (DA) na gumawa ng hakbang para mabigyan atensyon ang importation policies kasunod ng pagbaba ng piso laban sa U.S. dollar. Santi Celario