Pamamahagi ng condom, false security approach ng gobyerno sa problema ng HIV /AIDS

Pamamahagi ng condom, false security approach ng gobyerno sa problema ng HIV /AIDS

August 5, 2018 @ 12:30 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Hindi sagot sa lumalalang problema ng Human Immunodeficiency Virus ( HIV/AIDS) ang pamamahagi ng gobyerno ng condom sa mamamayan.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa kanyang Pastoral Visit On the Air sa himpilan ng Radyo Veritas, maituturing na “false security” ang naturang hakbang para lamang matugunan ng pamahalan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang sakit.

Paliwanag ng Obispo, malaki ang pinagkaiba ng paraan ng pagtugon ng Simbahan at ng pamahalaan sa lumalalang suliranin ng bansa.

Iginiit ng Obispo na hindi dapat natatapos sa pagbibigay ng condom sa mamamayan ang approach ng pamahalaan upang maiparamdam ang pagiging ligtas sa naturang sakit.

“Iba kasi ang approach natin (Simbahan) sa approach ng Gobyerno, Ang approach ng Gobyerno na pagbago ng lifestyle bigyan ng condom, ibig sabihin kapag may condom ka you Feel Safe na may condom ka, it’s a False Security,” pahayag ni Bishop Pabillo.

Ayon pa sa Obispo,  dapat maimulat ang sambayanan sa kahalagahan ng ‘Abstinence’ o pangingilin bilang isa sa pangunahing paraan upang maiwasan ang naturang sakit.

Pagbabahagi ng Obispo, mayroong ministry ang Simbahan sa pagtulong sa mga may sakit partikular na sa mga may HIV/AIDS.

Sa datos ng  Department of Health (DOH) noong Marso, nasa 33-kaso ang nagpopositibo sa HIV/AIDS kada-araw mula ng magsimula ang kasalukuyang taong 2018.

Malaki ang itinaas ng bilang na ito mula sa dating 22-positibong kaso na naitatala kada-araw noong 2015.

Bukod dito, ang Pilipinas din ang may pinakamataas na pagdami ng HIV cases sa Asia Pacific Region na 133-porsyento mula lamang noong 2010 hanggang 2016. Jocelyn Tabangcura-Domenden