Pamamahagi ng food boxes sa mga Manilenyo para sa Hulyo, tuloy-tuloy

Pamamahagi ng food boxes sa mga Manilenyo para sa Hulyo, tuloy-tuloy

July 12, 2021 @ 2:02 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit 247,000 pamilya sa lungsod ng Maynila ang nabigyan ng food boxes mula sa lokal na pamahalaang lungsod.

Ang naturang hakbang ay bahagi ng COVID-19 Food Security Program (FSP) para sa buwan ng Hulyo kung saan ang layunin ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ay may maihain sa hapag-kainan ang bawat pamilya sa lungsod ngayong panahon ng pandemya.

Naipamahagi ng Manila LGU sa pamamagitan ng Department of Engineering and Public Works (DEPW), Department of Public Services (DPS) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga nasabing food boxes sa loob lamang ng apat na araw kung saan tatlong distrito na agad ang nakinabang ditto.

Nabatid na nasa 136 na barangay mula sa District 1, 122 sa District 2 at nasa 23 barangay naman sa District 3 ang nabigyan na rin ng mga food boxes kung saan ipagpapatuloy ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi sa nasabing distrito ngayong araw.

Muling paalala ng Manila LGU sa mga opisyal ng barangay na agad na ipamahagi sa mga residente ang mga food boxes upang mapakinabang na nila ito sa gitna na rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“Sa iba pang mga nakatira sa District 3, antabayanan n’yo lang po ang mga food boxes ninyo. Sisikapin po ng ating mga kawani na mas mapabilis ang pag-deliver ng FSP boxes sa inyo. Hangad natin na walang magutom sa Maynila. Kakain tayo sa ating lungsod,” saad ni Domagoso.   JAY Reyes