Pamamahagi ng fuel subsidy ng lahat ng TODA, pabibilisin ng DOTr – solon

Pamamahagi ng fuel subsidy ng lahat ng TODA, pabibilisin ng DOTr – solon

December 11, 2022 @ 4:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Transportation (DOTr) na pabibilisin ang pagbibigay ng fuel subsidy sa lahat ng tricycle drives na pawang miyembro ng TODA sa buong bansa upang makaagapay sa pagtaas ng presyo ng gasoline, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na nagkasundo sila ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy, dalawang araw matapos magkasagutan sa kumpirmasyon ng huli sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

Nagpulong ang dalawa nitong Biyernes, Disyembre 9, upang pag-usapan ang problema ng mga tricycle driver na hindi pa natatanggap ang bahagi nila sa P2.5 billion na inilaan ng pamahalaan.

Una nang inilabas ng senador ang isyu sa confirmation hearing ni Bautista sa harap ng CA noong Miyerkules, Disyembre 7.

Ayon kay Cayetano, pinag-usapan nila ni Bautista kung paano mapapabilis ang pamamahagi ng subsidy dahil hirap na hirap na ang mga tricycle driver bunsod ng mataas na presyo ng gasolina, inflation, at ang pandemya na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Pumayag aniya si Bautista na idaan ang subsidy sa local government units (LGUs) dahil may kakahayan itong ipamahagi ang cash assistance.

May listahan din ang mga LGU ng mga tricycle driver sa kani-kanilang lugar, dagdag niya.

Noong confirmation hearing, ibinunyag ni Cayetano na 6,000 tricycle drivers pa lang ang nababahaginan ng subsidy. Kaunting kaunti ito kumpara sa 600,000 tricycle drivers na nauna nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na qualified na makatanggap ng halaga.

Katwiran ni Bautista, naantala ang pamamahagi dahil kulang ang master list ng registered tricycle drivers sa ilang mga LGU.

Pero sagot naman ni Cayetano, maaaring magpatulong ang Department of Transportation sa mga tricycle operators and drivers associations (TODAs) dahil organisado ang mga ito at may mga listahan sila ng kani-kanilang mga miyembro.

Hinimok ni Cayetano si Bautista na gamitin ang pagiging dating private sector executive para baguhin at ayusin ang DOTr nang sa gayon ay makinabang ang transport sector at gumanda ang transportation system ng bansa. Ernie Reyes