Pamamahagi ng lupa inihirit sa Human Rights Day

Pamamahagi ng lupa inihirit sa Human Rights Day

December 9, 2021 @ 7:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng grupo ng mga magsasaka sa selebrasyon ng International Human Rights Day ang karapatan ng mga magsasaka sa pagkakaroon ng sariling lupa upang matiyak ang food security ng bansa.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) President Danilo Ramos, ang karapatan sa pang-ekonomiya, politikal at kultural ay ginarantiyahan ng International Human Rights at kabilang dito ang pagkakaroon ng lupang masasaka.

“’Right to land, right to food’ ay kabilang sa mga karapatan ng mga magsasaka,” giit ni Ramos.

Ipinahayag din ni Ramos na hindi na dapat ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil matagal na umanong tapos ang naturang programa noong 2014.

“Ang dapat ipatupad ng DAR ay ang genuine agrarian refom program na siyang magtitiyak ng pamamahagi ng lupa sa mga walang lupang magsasaka,” sabi ni Ramos.

Kaugnay nito, hinihiling din ng KMP ang pagpapalaya sa mahigit 700 bilanggong politikal na nakakulong sa buong bansa.

Samantala, sinabi ni Ramos na ang dapat ipatupad ng gobyerno at ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay ang libreng pamamahagi ng lupa at hindi ang simpleng pamimigay ng CLOA (Certificate of Land Ownership Awards)  na babawiin naman kalaunan.

“Free land distribution  at ‘di simpleng pamimigay ng CLOA ang aming  hinihiling,” ani Ramos.

Sinabi pa ni Ramos na nabigo ang programa ng pamahalaan at ng DAR na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at hindi ito naging matagumpay.

Kaugnay nito, sinikap ng sumulat na makuha ang panig ng mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) subalit nabigong makuha ang panig ng DAR dahil hindi sumasagot sa text message at tawag sa telepono ang mga opisyal nito. Santi Celario