Pamamahagi ng lupa ng DAR, umarangkada na

Pamamahagi ng lupa ng DAR, umarangkada na

November 22, 2020 @ 3:41 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Umarangkada na ang pamamahagi ng titulo ng lupa at relief packs ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga agrarian reform beneficiaries na nasalanta ng bagyong Ulysses sa lalawigan ng Cagayan at Isabela nitong Nobyembre 21-22, 2020 sa kabila ng banta ng pandemya ng Covid-19.

Si DAR Secretary John R. Castriciones ay kinatawan nina Bureau Agrarian Legal Assistance (BALA) Director Atty. Marjorie P. Ayson at Administrative Service Director Cupido Gerry Asuncion, Cagayan Valley Regional Director Samuel S. Solomero at Cagayan Provincial Agrarian Reform Program Officer Engr. Arthur E. Faeldon  na namuno sa pamamahagi sa apat na bayan ng Cagayan at dalawang bayan sa Isabela.

Ayon sa DAR ang grupo ay namahagi ng 47 CLOAs at 900 relief packs sa malalayong bayan ng Enrile, Solana, Amulung at Alcala sa lalawigan ng Cagayan at sa San Pablo at Sto. Tomas sa lalawigan ng Isabela.

Nabatid pa sa ulat na ang relief operations ay bahagi ng programang “Serbisyong DAR to Door” ni Sec. Castriciones, na ngayon ay tinawag na “DAR to Door: Tulong-tulong sa Pagbangon.”

Ang pamamahagi ng lupa, sa ilalim ni Sec. Castriciones ay tinawag na “Serbisyong DAR-to-Door” kung saan ang mga opisyales ng DAR ay  personal na mag-aabot ng mga CLOA sa mga piniling agrarian reform beneficiaries, na karamihan ay mga matatanda o may sakit na magsasaka, na matagal nang naghihintay na matanggap ang kanilang mga CLOA mula sa DAR. Ang ganitong aktibidad ay karaniwang ginagawa bago magpatuloy sa isang itinalagang lugar para sa seremonyal na pamamahagi ng CLOA at paglilipat o pamamahagi ng mga suportang serbisyo sa mga ARB organizations (ARBOs).

“Ang pamamahagi po na ito ay kusang loob at mula sa puso para sa ating mga agrarian reform beneficiaries,” sabi ni DAR-BALA Director Atty. Marjorie P. Ayson.

Samantala kaugnay nito ayon naman kay Solana Vice Mayor Jojo Carag, “Nagagalak po kami at bumibisita kayo at nakikita ninyo ang actual na kalagayan namin dito, kayo na mismo ang magsasabi sa amin kung ano ng puede ninyo itulong.”

Ang bawat relief packs ay naglalaman ng bigas, tinapay, de-latang sardinas, apat na litrong inuming tubig at mga gamit pang-kalinisan.  Santi Celario


  •  
  •  
  •  

Loading...