Pamamahagi ng P1.7B educational aid, matagumpay; ekstensyon, malabo

Pamamahagi ng P1.7B educational aid, matagumpay; ekstensyon, malabo

September 29, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naging matagumpay ang distribusyon ng P1.7 bilyong halaga ng  educational aid  sa 713,916 benepisaryo.

“Yung ating educational assistance, una nakakatuwa po dahil kahit papaano po ay talagang naging successful po ‘yung anim na Sabado na pamamahagi natin ng ating educational assistance,”  ayon  Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Rommel Lopez.

“Ang atin pong napamahagi na ay P1.7 billion na po. ‘Yung atin pong naabot ng ating programang ito ng ating educational assistance ay umabot na po sa 713,916 students o beneficiaries,” dagdag na wika ni Lopez.

Malabo naman na palawigin pa ng departamento ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng programa.

Ang katuwiran ni Lopez,  naubos na ng DSWD ang lahat ng inilaang pondo at gumamit na rin ito ng karagdagang budget.

Sa katunayan nga aniya ay  una nang naglaan ang DSWD ng P1.5 bilyong piso para sa educational assistance program.

Ngunit, sinabi ni  DSWD Secretary Erwin Tulfo na  mangangailangan pa sila ng karagdagang P200 milyong piso hanggang  P300 milyong piso para muling buksan ang  educational assistance program para sa mga  indigent students.

Ayon sa  Kalihim, hindi sapat ang P1.5-billion budget lalo pa’t umabot sa 2 milyon ang bilang ng mga estudyante na nagpa-rehistro para makasama sa programa.

Unang tinarget ng DSWD  na makapagbigay ng tulong sa  400,000 estudyante lamang sa buong bansa.

Sa ilalim ng  programa,  hanggang tatlong estudyante kada  indigent family ang makatatanggap ng P1,000 para sa mga  elementary students;  P2,000 para sa  high school students; P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa  college students o vocational courses. Kris Jose