Pamamahagi ng P5.2B pondo sa TCT program ng DSWD kasado na

Pamamahagi ng P5.2B pondo sa TCT program ng DSWD kasado na

December 4, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magsisimula na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng P5.2 bilyon cash aid sa mga benepisyaryo ng Targeted Cash Transfer program ngayong Disyembre.

Ito ang sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Disyembre 3.

“This month idi-distribute na ‘yung additional P5.2 billion na additional grant for the third tranche [ng cash aid],” ani Punay.

Matatandaan na sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) noong Martes, Nobyembre 29 na nailabas na nito ang P5.2 bilyon na pondo na sasakop sa isang buwan na pangangailangan ng TCT program ng DSWD.

Nasa kabuuang 12.4 milyon na TCT beneficiaries ang makatatanggap ng P500 kada buwan na ayuda sa loob ng anim na buwan.

Ang mga benepisyaryo ay ang mga pamilyang labis na napuruhan ng mabilis na pagtaas ng mga produkto.

“Kasama po diyan ‘yung identified na poorest of the poor — four million 4Ps beneficiaries —, at six million na former Unconditional Cash Transfer (UCT) beneficiaries including social pensioners na indigent senior citizens, at 2.4 million na additional beneficiaries na galing sa Listahanan,” sinabi pa ni Punay.

Aniya, kasalukuyan na sinusuri pa ang Listahanan beneficiaries.

“Naka-issue na tayo datin ng cash card. ‘Yung mga beneficiaries natin, may mga cash card from Land Bank, at tinatop up na lang natin ang pondo doon sa Land Bank. Diretsong pasok na ‘yan sa cash card nila,” dagdag ni Punay. RNT/JGC