Pamamahagi ng P500 ayuda wala pang petsa – DSWD

Pamamahagi ng P500 ayuda wala pang petsa – DSWD

March 27, 2022 @ 9:55 AM 3 months ago


MANILA, Philppines – Hindi pa nakakapagtakda ang mga ahensiya ng pamahalaan kung kailan magsisimula ang distribusyon ng P500 monthly cash aid sa mga mahihirap na pamilya lalo pa’t ang guidelines para sa pagpapalabas nito ay hindi pa naisasapinal.

Inaasahan naman na maipalalabas ang isang joint memorandum circular mula sa Department of Finance, Department of Budget and Management, DSWD, at iba pang ahensiya na nagde-detalye ng distribusyon ng financial support, na tatagal ng tatlong buwan.

“Sa kasalukuyan, tayo ay bumubuo, bumabalangkas ng panuntunan diyan. Yesterday (Friday) tayo ay nakipagpulong sa ating economic managers para ma-identify ‘yung institutional arrangements, eligible beneficiaries, sino po ba ang mga ‘yan? Saan manggagaling ‘yung pondo? Isinasa-pinal pa po natin,” ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao.

“Kaya nga po hindi pa tayo makapagbanggit talaga ng definite na period kung kailan po ba tayo makapag-uumpisa dahil isinasapinal pa po natin ang mga bagay na ito,” dagdag na pahayag nito.

Kamakailan ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itaas sa P500 ang ibibigay na dagdag ayuda kada buwan sa mga pinakamahihirap na Pilipino mula sa P200.

Ang kautusan na ito ng Pangulo ay matapos na umani ng batikos ang dagdag na P200 bilang tulong sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin dulot ng sunod-sunod na oil price hike.

Ayon sa Pangulo, sinabihan na niya ang Department of Finance (DOF) na humanap pa ng pondong mapagkukunan dahil mismong siya ay naliliitan sa halaga ng ayuda.

Araw ng Miyerkules, sinabi ni DBM officer-in-charge Tina Rose Marie Canda na ang kakkapusan sa pinansiyal ang dahilan para malimitahan sa P500 ang kada buwan ang suporta ng pamahalaan na tatagal ng tatlong buwan.

“A large amount is needed to finance an unprogrammed program or project like this, so even if we want to give more, we are unable to do so,” ayon kay Canda. Kris Jose